Sesertipikahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang urgent ang panukalang batas na magbibigay sa kanya ng emergency powers upang suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo, kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa panayam sa mga mamamahayag sa New York nitong Miyerkoles (oras sa Maynila), ipinaliwanag ng pangulo na kailangang tapusin muna ng Senado at Kamara ang kanilang committee reports at simulan ang plenary debates bago maisulong ang mabilis na pag-apruba ng panukala.
“That is what I told them, both Houses. And I said, the minute that you have completed your committee reports… when you declare a bill as urgent… the shortcuts, if we say, only begin on the plenary debates,” ani Marcos.
Dagdag pa niya, gagamitin lamang ang emergency powers kapag lumampas sa $80 kada bariles ang average na presyo ng langis sa loob ng isang buwan.
“What we asked of the legislature is really very simple. [It] is that… when the price of oil has breached $80 per barrel on average for a month, then the emergency powers can be exercised,”paliwanag ng pangulo.
Noong Lunes, naghain ng panukalang batas sina House Speaker Faustino Dy at House Majority Leader Sandro Marcos upang bigyan ng kapangyarihan ang pangulo na suspindihin ang excise tax sa produktong petrolyo. Sa Senado naman, tiniyak nina Senate President Vicente Sotto III at Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na uunahin nila ang mga kahalintulad na panukala bilang tugon sa krisis sa suplay ng langis.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng paglala ng tensyon sa Gitnang Silangan matapos ang mga pag-atake ng missile ng Estados Unidos at Israel sa Iran na tumarget sa mga pasilidad militar at ikinasawi ni Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei, na nagdulot ng pangamba sa pandaigdigang merkado ng enerhiya. (RRN)