Nanawagan si Pangalawang Pangulo Sara Duterte nitong Sabado sa mga ahensya ng gobyerno na agad na kumilos upang maibsan ang epekto ng inaasahang malaking pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo bunsod ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa kanyang pahayag sa Facebook, hinikayat ni Duterte ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng pagtitipid sa langis at enerhiya. Aniya, maaaring ipagbawal muna ang ilang “non-essential” na aktibidad gaya ng parada sa mga festival.
Dagdag pa niya, dapat bumuo ang LGUs ng mga komite na tututok sa presyo ng pangunahing bilihin, habang pinapalakas ang suporta sa lokal na magsasaka at supplier. “Bumili muna sa lokal na produkto upang palakasin ang lokal na ekonomiya at mabawasan ang epekto ng pagtaas ng langis,” wika ni Duterte.
Kabilang sa kanyang mungkahi ang carpooling, paggamit ng bisikleta, at maingat na pag-iskedyul ng biyahe upang mabawasan ang konsumo ng enerhiya.
Nanawagan din siya ng mas mahigpit na inspeksyon sa mga negosyo at pagsasara sa mga lalabag.
Iminungkahi rin ng Bise Presidente ang posibilidad ng pansamantalang subsidiya, price caps sa pangunahing bilihin, at *targeted cash transfers* para sa mga low-income na pamilya.
Ang pahayag ni Duterte ay kasunod ng babala ng Department of Energy na maaaring lumampas sa ₱80 kada litro ang presyo ng diesel ngayong buwan.
Batay sa unang tatlong araw ng kalakalan ngayong linggo, inaasahang tataas ng ₱7.09 kada litro ang gasolina at ₱15.33 kada litro ang diesel sa susunod na linggo. (JCNE)