Masamang biro ang pinakawalan ni Sen. Jinggoy Estrada kay Gilas Women prospect Elizabeth Means nang tanungin ito kung may “Filipino boyfriend” na at tila inireto pa si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, na isang pamilyadong lalaki, sa ginanap na pagdinig sa Senado hinggil sa paggawad ng Filipino citizenship sa atleta.
Ayon kay Negros Oriental Rep. Janice Degamo sa panayam sa programang Sa Totoo Lang sa One PH, maaari naman tanungin kung may nobyong Filipino ang isang dalaga ngunit ang iugnay siya sa isang may asawang lalaki ay hindi na magandang biro.
Nauna rito’y umani rin ng batikos si Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay sa bastos na pahayag hinggil kay Anne Curtis sa House Committee on Justice hearing kaya sinampahan siya ng ethics complaints ng Gabriela Women’s Party sa Kamara.
Para kay Degamo,nararapat na sumailalim sa gender sensitivity training ang mga lalaking ang tingin sa babae ay isang bagay na puwedeng pagpantasyahan.
“A woman is more than just a body. Hindi po magandang pakinggan at mali na parang palaging ginagawang sex object ang kababaihan,” ani Degamo.
Parehong itinanggi nina Estrada at Suntay na may malisya sa kanilang mga naging pahayag. (ROSE NOVENARIO)
