Tiniyak ng Gabriela Women’s Party na pananagutin ang “manyak na abogado” na si Ferdinand Topacio dahil sa pambabastos sa kanilang kinatawan sa Kongreso na si Sarah Elago.
“Sa unang linggo pa lamang ng Buwan ng Kababaihan, sinunggaban na agad ng manyak na abogado na si Ferdinand Topacio ang pagkakataon upang magpakawala ng kabstusan at direktang atake laban sa kinatawan ng sektor ng kababaihan sa Kongreso na si Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago,” anang partido sa isang kalatas.
“Pinag-aaralan namin ang mga posibleng legal na hakbang upang mapanagot si Topacio. Hindi ito katanggap-tanggap, at lalong hindi dapat pinapalampas.”
Sa kanyang programa sa DWIZ kahapon,bukod sa ipinagtanggol ni Topacio ang malaswang pahayag ni Quezon City Rep. Bong Suntay laban kay Anne Curtis ay inamin ng abogado na minsan na rin niyang pinagnasaan si Elago nang maamoy niya ang kongresista na katabi niya sa isang pagdinig sa Department of Justice (DOJ).
“Mariin naming kinukundena ang kanyang misogynistic at mapanirang mga pahayag. Hindi na ito bago sa isang abogado kuno na may mahabang track record sa panreredtag at pambabastos sa kababaihan,” anang Gabriela.
“Ang mga katulad niya ay hindi dapat hinahayaang maging abogado kung ginagamit lamang ang propesyon upang mang-alipusta sa kababaihang lumalaban sa abuso at korapsyon.”
Pinangunahan kahapon ng Gabriela ang paghahain ng ethics compliant laban kay Suntay sa Kamara. (ROSE NOVENARIO)