Sat. Mar 7th, 2026

Nagsampa ng mga reklamong perjury, cyber libel, at paglabag sa Article 363 (Incriminating an Innocent Person) si dating Sen. Antonio Trillanes IV sa Department of Justice (DOJ) laban sa 18 “ex-Marines,” Atty. Levito Baligod, dating Cong. Mike Defensor, at social media personalities Jay Sonza, Lorraine Badoy, at Cathy Binag.

Nag-ugat ang mga reklamo sa mga akusasyon na tumanggap si Trillanes ng $2 million para sa International Criminal Court (ICC) investigators, at bilyun-bilyong piso ang inihatid sa matataas na opisyal gaya nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dating Speaker Martin Romualdez, at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Itinanggi ni Trillanes na tumanggap siya ng pondo at tinawag itong paninira na ang layunin ay pahinain ang imbestigasyon ng ICC laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte.

Tinukoy niya ang kampo ni Duterte bilang pasimuno ng mga akusasyon para magamit na propaganda.

Nauna rito, naghain din ng mga reklamo si National Security Adviser Eduardo Año laban sa 18 ex-Marines, Baligod at Defensor kahapon, bunsod aniya ng malisyoso at gawa-gawang paratang na tumanggap siya ng pera sa isang pulong kasama sina Romualdez at dating Sen. Leila de Lima.

Ayon kay Año, nilabag ng mga respondent ang Article 154 ng Revised Penal Code (Unlawful Utterances and Publication) kaugnay sa Cybercrime Prevention Act. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *