Nanawagan si dating Gabriela Women’s Party Rep. Liza Maza na patawan ng Kongreso ng disciplinary action si Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay matapos ang kanyang sexist remarks sa aktres na si Anne Curtis sa pagdinig ng House Justice Committee kahapon.
Ayon kay Maza, ang pagturing ni Suntay sa kababaihan bilang “parausan” ay malinaw na paglabag sa mga umiiral na batas gaya ng Magna Carta of Women at Safe Spaces Act, na nagtatakda sa estado bilang pangunahing tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan laban sa diskriminasyon at karahasan.
Binatikos ni Maza ang paliwanag ni Suntay na ang kanyang pahayag ay “analogy” at “compliment,” na aniya’y nagpapakita ng machismo at nag-aambag sa kultura ng impunity laban sa kababaihan.
Dagdag pa niya, ang remarks na ito, na binanggit laban sa isang babaeng artista na may higit 20 milyong followers at sa harap ng milyong manonood ng hearing, ay nagpapalaganap ng pananaw na ang kababaihan ay sex objects.
Iginiit ni Maza na dapat isama sa disciplinary action ang pag-aaral ni Suntay sa mga batas na nagpoprotekta sa kababaihan at ang paghingi ng paumanhin sa lahat ng kababaihan. (ROSE NOVENARIO)