Binatikos ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pagpapatibay ng trimester school calendar ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr., na tinawag nilang isa na namang minadaling, top-down na reporma na isinasantabi ang tinig ng mga guro at hindi tinutugunan ang ugat ng krisis sa edukasyon.
Ayon sa ACT, ang desisyon na ituloy ang polisiya, sa kabila ng naunang pahayag hinggil sa pangangailangan ng konsultasyon, ay nagpapakita ng pattern ng pagpapatupad ng malalaking pagbabago nang walang makabuluhang partisipasyon mula sa mga guro sa hanay.
“Sinabi na kailangan ng konsultasyon, pero sa dulo, ipinatupad pa rin nang minamadali,” ani ACT Chairperson Ruby Bernardo. “Nasaan ang boses ng karaniwang guro sa desisyong ito?”
Binigyang-diin ng grupo na ang paglipat sa tatlong-term na kalendaryo ay hindi nakalulutas sa mga batayang problema ng sistemang pang-edukasyon, kabilang ang matinding kakulangan sa silid-aralan, mababa at hindi sapat na sahod, labis na trabaho, at kakulangan sa mga materyales sa pagkatuto.
“Hindi kalendaryo ang ugat ng krisis sa edukasyon,” ani Bernardo. “Kahit anong ayos ng school calendar, kung kulang ang silid-aralan, guro, at pasilidad, at kung gutom ang mga estudyante, mananatiling atrasado ang kalidad ng edukasyon.”
Kinuwestiyon din ng ACT ang pahayag na makapagpapabuti umano ng learning outcomes ang polisiya, dahil wala namang inilabas na pag-aaral o malinaw na pagsusuri na sumusuporta sa pagbabago.
“Kung may sapat na batayan ang ganitong malaking pagbabago, dapat malinaw itong inilalatag at sinusuri kasama ang mga guro,” dagdag ni Bernardo. “Hindi puwedeng ipasa na naman sa ibaba ang responsibilidad na pagtagpi-tagpiin ang isang polisiyang kulang sa paghahanda.”
Nagbabala ang grupo na muli na namang mga guro ang sasalo sa dagdag na pasanin ng pag-aayos ng workloads, pag-compress ng mga aralin, at pag-angkop sa bagong sistema ng pagsusuri nang walang kaukulang suporta.
Binigyang-diin ng ACT na ang pagtulak sa calendar reform ay nagpapakita ng teknokratikong pananaw na itinuturing na usapin ng iskedyul ang mga problema sa edukasyon, imbes na istruktural na hindi pagkakapantay-pantay.
“Ang ganitong mga polisiya ay nakatuon sa porma, hindi sa laman,” ani Bernardo. “Habang pinipilit i-repackage ang sistema, nananatiling hindi tinutugunan ang mababang sahod, kakulangan sa pondo, at lumalalang kondisyon sa mga paaralan.”
Nanawagan ang grupo sa Department of Education (DepEd) na ihinto ang pagpapatupad ng trimester system at sa halip ay magsagawa ng tunay na konsultasyon kasama ang mga unyon ng guro at iba pang stakeholders sa edukasyon, habang inuuna ang matagal nang panawagan para sa dagdag na pondo, pagtaas ng sahod, karagdagang plantilla items, at sapat na pasilidad sa mga paaralan.
“Kung gusto talagang ayusin ang edukasyon, dapat magsimula ito sa pakikinig mula sa mga guro, kawani, mga mag-aaral at kanilang mga magulang na matagal nang nagdurusa sa mga papatinding suliranin ng sektor. Ang pag-aayos ng edukasyon ng bansa ay nangangahulugan din ng agarang pagtugon sa mga pundamental na suliranin ng kurikulum, kawalan ng sapat na bilang ng mga guro, kawani, paaralan, silid-aralan at iba’t ibang gamit panturo at pantulong sa pagkatuto. Ang mga ganitong polisiya na minadali kagaya na lamang ng K to 12, tiyak na papalpak at kaming mga nasa eskwelahan na naman ang mag-iimbento ng paraan at sasalo sa lahat ng kakulangan. At matindi pa, sa pagpalpak nito, kami na naman ang may kasalanan,” pagtatapos ni Bernardo. # (RRN)