: Atty. Harold Respicio / FB
Sinubpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) si Reina Mercedes Vice Mayor at abogado Jeryll Harold Respicio matapos magsampa ng reklamo ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) kaugnay ng umano’y mapanulsol na mga post sa social media.
Personal na pinangunahan ni CICC Undersecretary Aboy Paraiso ang pagsasampa ng reklamong Inciting to Sedition at Inciting Rebellion sa ilalim ng Revised Penal Code, kaugnay ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon kay Paraiso, layunin ng hakbang na ito na magsilbing babala sa publiko: “Ito ay krimen laban sa pampublikong kaayusan na ginawa online, at hindi natin ito pinapayagan. Inaasahan natin ang responsableng paggamit ng social media, lalo na mula sa mga propesyonal at opisyal ng gobyerno.”
Kasama sa ebidensiyang inihain ang screen recordings at transcripts ng mga post ni Respicio, kabilang ang isang video noong Mayo 19 kung saan umano’y tinanong niya ang mga manonood: “Willing ba kayong magrebolusyon?” na may kasamang teksto na nagmumungkahi ng rebolusyon bilang tugon sa mga isyu sa pamahalaan. Ang naturang video ay nakakuha ng malawak na atensyon online.
Kung mapatunayang may sala, maaaring makulong si Respicio nang higit sa anim na taon at maharap sa administratibong parusa gaya ng pagbawi ng kanyang lisensya bilang abogado.
Binanggit din ng CICC na maaaring ipatupad ang takedown measures sa pakikipag-ugnayan nito sa Meta Platforms.
Personal na tinanggap ni NBI Director Melvin Matibag ang reklamo, sa presensya ni Presidential Communications Office Undersecretary Precious Hipolito-Castelo.
Tiniyak ng CICC na patuloy nitong paiigtingin ang pagmamanman sa cyberspace upang agad na makakilos laban sa mga ilegal na aktibidad online.# (RRN)