Sat. May 23rd, 2026

Binatikos ng NBI Retirees and Ex-Employees Association Inc. (Rexeai) si Sen. Imee Marcos sa umano’y tangkang pag-impluwensya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang suspendihin at tanggalin sa tungkulin si NBI Director Melvin Matibag at ang kanyang mga ahente kaugnay sa naganap na putukan sa Senado noong Mayo 13.

Giit ng grupo ang hakbang ng senadora ay walang basehan at hindi makatuwiran dahil ginampanan lang ni Matibag at NBI agents ang sinumpaan nilang tungkulin sa bayan

“It is imperative that we stand firm against these attempts to intimidate law enforcement officials who are dedicated to serving the public and executing their responsibilities with integrity,” anila.

Mariin din kinondena ng grupo ang anila’y pabaya at mapanganib na aksyon ng mga guwardiya ng Senado sa pamumuno ni Mao Aplasca, na walang sapat na dahilan ay nagpaputok ng baril laban sa NBI at sa loob mismo ng Senado.

Ang ganitong asal anila ay hindi lamang naglalagay sa panganib ng buhay ng NBI agents, ng media, at ng iba pang tao sa Senado, kundi sumisira rin sa mismong kaayusan at batas na kanilang pinangangalagaan.

Tiniyak ng Rexeai ang matatag na suporta kay Matibag at sa kanyang masigasig na pangkat ng mga ahente.

Pinupuri namin ang kanilang walang pagod na pagtupad sa tungkulin na ipatupad ang batas at ang kanilang pagsisikap na isakatuparan ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

“We commend their steadfast commitment to upholding the rule of law and their efforts to execute the International Criminal Court (ICC) warrant of arrest against Senator Ronald “Bato” de la Rosa,” anang grupo.

Nakalulungkot anila na masaksihan ang pagbibigay-proteksiyon kay Senador dela Rosa at ang kanyang pag-iwas sa pananagutan, lalo na noong siya ay nasa “protective custody.”

“Despite the undue challenges posed by certain members of the Philippine Senate, we recognize and applaud their determination in the face of adversity,” wika ng Rexeai.

“Their commitment to justice, even in such difficult circumstances, does not go unnoticed,” dagdag nila. # (ROSE NOVENARIO)

 

By admin