Sat. Jul 25th, 2026

📷Kabataan Partylist / FB

 

Ilang araw bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong” Marcos Jr., ipinakita ni Kabataan Partylist Rep. Atty. Renee Co, House Assistant Minority Leader, ang isang kasuotang protesta na muling nagtagpo ang moda at paglaban.

Sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng Kabataan Partylist na may temang “Pag-alabin Ang Pag-asa!”, ang kasuotan ni Co ay sumasalamin sa organisadong pakikibaka ng kabataang Pilipino laban sa imperyalismo at korapsyon.

Ang palda, na dinisenyo ng batang alagad ng sining na si Sophia Cabugoy mula Panday Sining UP Diliman at UP Artists’ Circle Sorority, ay nagsilbing canvas ng paglaban: mga estudyante, manggagawa, at magsasaka na nakalublob sa apoy, mga silweta ng masa na naglalagablab, at mga sagisag ng pagtutol.

Sa harapan ng palda, inilalarawan ang kabataan na nakikipagbuno sa agilang Amerikano — sagisag ng imperyalismong US — at sa buwaya — sagisag ng mga tiwaling burukrata-kapitalista. Sa likuran, makikita ang mga misil, bumabagsak na salapi, at mga makinang pandambong, tanda ng digmaan, korapsyon, at pang-aabuso sa kalikasan.

Ang kasuotan ay nagpapatuloy sa tradisyon ng Kabataan Partylist na gawing sandata ang sining at moda sa paglaban para sa pananagutan, kalayaan, at kapangyarihan ng kabataan. # (RRN)

 

By admin