Nakatakdang iharap ng House prosecution panel sa Miyerkules, Hulyo 29, ang mga dating opisyal at empleyado ng Land Bank of the Philippines (LandBank) na may direktang kaalaman sa proseso at pag-withdraw ng ₱612.5 milyong confidential funds na umano’y ginamit nang mali ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Prosecutor Terry Ridon ng Bicol Saro party-list, sisimulan ng prosekusyon ang presentasyon ng mga saksi sa artikulo ng confidential funds matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang kontra-SONA ng minorya.
Sinabi ni Ridon sa Saturday News Forum sa Quezon City na ang mga unang saksi ay mga tauhan ng LandBank na direktang humawak sa mga transaksyon kaugnay ng unang impeachment article laban kay Duterte. “Meron na pong mga nakahanay na mga testigo sa araw po na ’yon,” ani Ridon.
Kabilang sa mga ipinatawag ng Senate impeachment court sina Violeta Constantino, dating manager ng LandBank Shaw Boulevard branch, at Nenita Camposano, dating manager ng LandBank Department of Education branch. Inaasahan silang magbibigay ng testimonya hinggil sa dokumentasyon at pag-release ng confidential funds.
Ipinatawag din ng korte si Marivic Pareja, hepe ng House Legislative Archives, Museum and Management Service, upang magsumite ng mga opisyal na rekord kaugnay ng impeachment proceedings.
Ang artikulo sa confidential funds ay nag-aakusa kay Duterte ng iregular na paggastos at liquidation ng pondo noong siya ay Bise Presidente at Kalihim ng Edukasyon.
Binanggit dito ang mga acknowledgment receipts na may pangalan ng mga tumanggap na kalaunan ay kuwestiyonable ang pagkakakilanlan.# (ROSE NOVENARIO)