Mon. Jul 27th, 2026

Kinompirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na malapit nang maisampa sa Office of the Ombudsman ang mga kaso laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, na kanyang pinsan, bilang bahagi ng malawakang kampanya kontra korapsyon ng administrasyon.

Sa pagbubukas ng kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Marcos Jr. na ang mga kaso ay nag-ugat sa imbestigasyon hinggil sa iregularidad sa mga flood control projects.

“Malapit na ang paghahain ng patung-patong na kaso laban sa dating speaker. Masakit man sa akin ito pero kailangan nating gawin ang tama,” ani Marcos Jr.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang kanyang tungkulin ay para sa bayan, hindi para sa pamilya. “Hindi ako Pangulo ng aking pamilya… Ako ay Pangulo ng Pilipinas at ang tungkulin ko ay sa inyo, mga kapwa ko Pilipino,” dagdag niya.

Ayon kay Marcos Jr., isinagawa ng pamahalaan ang masusing imbestigasyon na walang kinikilingan. “Masusi nating sinuri at sinundan kung saan tayo itinuro ng ebidensya. Lahat ng kailangang gawin ay ginawa natin upang matunton ang puno’t dulo,” aniya.

Nagdulot na ang imbestigasyon ng mga kaso at pag-aresto sa mga kontraktor, matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at ilang mambabatas. Halos ₱25 bilyon na halaga ng pondo at ari-arian ang nabawi, na-freeze, o na-preserba, kung saan mahigit ₱800 milyon ang agad na ibinalik sa National Treasury.

Sinabi ni Marcos na ang prosekusyon ng mga kaso ay nasa kamay na ng Ombudsman at ng pinalakas na National Prosecution Service, at tiniyak na lahat ng nabawing ari-arian ay ibabalik sa pamahalaan.

Sa isang kalatas ay sinabi ni Romualdez na iginagalang niya ang pahayag ng pangulo, “Hindi ako kailanman humingi ng pabor o espesyal na pagtrato.”# (ROSE NOVENARIO)

By admin