“TIGILAN mo na ‘yung budol-budol galing sa Davao.”
Buwelta ito ni House Speaker Martin Romualdez kay dating Presidente Rodrigo Duterte matapos akusahan nito na dating nasa drug watch list si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“Walang katotohanan ‘yan. Si Mr. former president sabi niya nasa drug list, na-check natin na never na si President Ferdinand R. Marcos, ay nailagay sa drug list. Kaya hindi ko alam kung nag iisto-istorya ka na naman. Tigilan mo na ‘yung budol-budol galing sa Davao,” aniya patungkol kay Duterte.
“Pero at the very least, ‘yun ang sinasabi ko, baka binubudol-budol din tayo noon. ‘Di ba kasi sinabi niya ‘yun ang basehan kaya siya nanalong president, wala naman siyang ginawa na maayos. Sinabi rin niya, ‘di ba pinag-usapan ang drugs, bigyan daw siya ng tatlong buwan, eh anim na taon, ang dami-daming drugs pa rin. Ang nangyari dyan, ang dami lang pinatay,” dagdag niya.
Payo ni Romualdez kay Duterte, mag-isip-isip muna dahil marami rin kakulangan ang dating pangulo.
Hinimok niya ang pamilya Duterte na irespeto si Marcos Jr. at pamilya nito lalo na’t mas malaki ang nakuha niyang boto kaysa dating pangulo.
Masyadong maaga pa aniya para isulong ng mga Duterte ang pagpapabagsak sa rehimeng Marcos Jr.
“At sa pamilyang Duterte, siguro konting galang naman sa ating mahal na presidente at pamilya niya. ‘Yung panahon naman ninyo, iginalang naman kayo. ‘di ba? “wika ni Romualdez.
“Masyadong maaga naman ang gusto ninyong pagbagsak ng rehimen ng President Ferdinand R. Marcos Jr. Very popular siya and he was elected with a bigger mandate than the former president kaya igalang naman natin ‘yan. Iyan po ang mandato ng taong bayan ng Pilipinas,” dagdag niya.
Maaari aniyang nahihirapan si Duterte na tanggapin na umuusad ang charter change ngayon na hindi nagawa noong kanyang administrasyon kaya sinisiraan niya ito.
“Unang-una, baka nahihirapan naman talaga si President Duterte ksi ‘yung palataporma kaya nanalo siya ay federalismo. Hindi lang ‘yan amendment ng economic provisions, pagbabago ng buong sistema ng government. Mukhang hindi na niya nakayanan,” sabi ni Romualdez.
“Eh ngayon na umuusad ang move for charter amendments, baka nakikita niya na ‘yung hindi niya nagagawa , baka mangyari na ngayon kaya baka sinisiraan niya.” (ZIA LUNA)