SA tindi ng mga binitawang pahayag ni dating Presidente Rodrigo “Digong” Duterte at kanyang mga anak na lalaki laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Linggo, dapat ay magbitiw na bilang miyembro ng gabinete si Vice President at Education Secretary Sara Duterte, ayon sa dalawang political personalities.
“Meron ka bang nakitang ganito, na isang ex-president , thrineaten ‘yung incumbent president ng lahat ng puwedeng threat na siya ay pabagsakin, destabilization, insurrection, uprising, kudeta, secession, even assassination, in one breath? Ngayon lang ako nakakita ng ganito. Nagugulat pa rin tayo kahit inaasahan natin,” sabi ni dating Presidential Adviser for Political Affairs Ronald Llamas sa panayam sa Facts First with Cristian Esguerra kagabi.
“Member ka ng official family, publicly sinabi mo ,“tutol ako sa Cha-cha sa people’s initiative,” paano kung susuportahan ‘yan ng president? Hindi ito usapin kung tama o mali eh iyon ang programa ng iyong boss, tapos publicly babanatan mo at tsaka hindi ka lang kasi Vice President, secretary of education ka, ‘yung pinakamalaking departamento, pinakamalaki ang budget na departamento sa gobyerno. Ibig sabihin, first among equals ka , tapos ‘yung mga kapatid mo, yung tatay mo, mga political allies mo ay sumisigaw ng “Resign.” Sumisigaw ng “Ibagsak” at kung anong porma nang pagpapabagsak ng presidente, tapos ang paliwanag mo lang hindi kami nag-usap,” dagdag niya.
“Duda ako kung ganoon karami ang makukumbinsi ‘nun. Kaya cut clean ka na with your dignity intact or at least part of your dignity,” wika ni Llamas.
Malinaw aniya ang sinabi ni Digong pero may buntot sa dulo, “Buti na lang hindi na ako ang president, kundi nakasama ka roon.”
Para kay Llamas, inaamin ni Digong ang crime against humanity sa International Criminal Court (ICC).
“Pero idinagdag niya, “Kung president pa ako, kasama ka dyan,” kasama ka sa EJK,” aniya.
Naniniwala siya na ang biglang pagbabago ng ihip ng hangin kay Digong ay ang sinabi kamakailan ni Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan ang kanyang administrasyon sa ICC pero papayagan na pumasok ng bansa ang mga imbestigador nito.
Kasama rin aniya sa nag-trigger ng maaanghang na pagbatikos ay ang naudlot na meeting nina Digong at Marcos Jr. na inaayos sana ni Sen. Imee Marcos.
Habang si dating Sen. Antonio Trillanes IV ay ipinaskil sa kanyang Facebook page ang panawagan na magbitiw si Sara bilang education secretary. (ZIA LUNA)