ANG palihim at misteryosong pagsusulong ng People’s Initiative sa panahong abala ang mga Pinoy sa Kapaskuhan ay pagnanakaw sa demokrasya ng Pilipinas, sabi ni Sen. Risa Hontiveros sa pagdinig ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation ngayon.
Sinabi ni Hontiveros sa komite na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos,ang pagtutol niya sa PI ay hindi lamang para sa survival ng Senado kundi pagkontra sa
pagbibigay ng kapangyarihan sa sangay ng ehekutibo na palawigin ang termino ng mga halal na opisyal at pagdedeklara ng batas militar, at paghahain sa China ng mga sensitibong industriya ng bansa.
Bagama’t nagpapasalamat ang senadora sa pagsuspinde ng Commission on Elections (Comelec) sa pagtanggap ng mga pirma para sa PI, gusto niyang marinig ang deklarasyon na talagang ititigil na ito.
“Nagpapasalamat ako na sinuspindi ng Comelec ang proceedings sa PI. Pero sana po madinig din natin definitively na hindi na talaga itutuloy. Dahil hindi po ito talaga ang sagot sa kailangan ng mga Pilipino ngayon: disenteng trabaho, murang pagkain, pagsugpo sa corruption,” sabi ni Hontiveros. (ROSE NOVENARIO)