Supalpal kay Executive Secretary Ralph Recto ang banat ni US President Donald Trump na sa Amerika lang raw bibili ng lahat ng langis at pagkain ang Pilipinas.
Sa panayam sa Senado kasabay ng budget deliberations, diretsahang sinabi ni Recto na hindi praktikal at malabong mangyari ang gusto ni Trump. Aniya, kailangang may iba’t ibang mapagkukunan o diversification ng petrolyo at produktong agrikultural para hindi nakaasa ang Pinas sa iisang supplier lang.
Matatandaang noong nakaraang linggo, nagbida si Trump sa isang news conference na pumayag na raw ang Pilipinas na sa US kumuha ng 100 porsiyento ng inaangkat nitong langis at pagkain.
Hirit pa ni Trump, tutulong ba raw ang Brazil at Middle East kung sakaling giyerahin ng China ang Pinas? Kaya giit niya, tigilan na ang pagbili sa mga bansang ito.
Ayon kay Recto, hindi nila ito tinitingnan bilang pananakot kundi diskarte lang ni Trump para makalamang sa negosasyon.
Gayunman, bukas naman aniya ang Pinas sa bagong trade deal sa Amerika basta’t sigurado na mas makakamura ang bansa sa pagbili ng langis at pagkain. # (RRN)