Dahil nasa ilalim na ng hurisdiksiyon ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte, wala nang kapangyarihan ang mga hukuman sa bansa na ipag-utos ang kaniyang paglaya o ang pagharap niya sa lokal na korte.
Ito ang nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema sa pagbasura sa pinagsama-samang petisyon para sa writ of habeas corpus na kumukuwestiyon sa pagkakadakip kay d Duterte at sa paglilipat sa kaniya sa ICC noong 2025.
Ayon sa paliwanag ng Kataas-taasang Hukuman, nawalan na ng saysay (moot) ang nasabing mga petisyon matapos mailipat si Duterte sa pangangalaga ng ICC sa The Hague, Netherlands.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang writ of habeas corpus ay isang legal na remedyo na maipatutupad lamang sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Gayunpaman, nilinaw ng Korte Suprema na ang pagbabasura sa mga petisyon ay hindi nangangahulugan na naging legal ang pag-aresto o walang nilabag na karapatang pantao sa paglilipat kay Duterte sa ICC.
Ang nasabing desisyon ay isinulat ni Kasamang Mahistrado (Associate Justice) Japar Dimaampao.
Siyam na mahistrado ang bumoto nang pabor sa pasya, samantalang apat naman ang tumutol. Hindi nakilahok sa botohan si Kasamang Mahistrado Samuel Gaerlan dahil sa opisyal na gawain sa labas ng hukuman. # (RRN)