HINIKAYAT ni Senador Sherwin Gatchalian ang Toll Regulatory Board (TRB) na tiyakin na ang mga operator ng mga pangunahing toll road sa bansa ay napapaganda at naaayos ang kanilang serbisyo bago mag-apruba at magpatupad ng anumang karagdagang pagtataas sa singil.
Inaprubahan ng TRB ang ikalawang tranche ng toll adjustment para sa North Luzon Expressway (NLEX), na magreresulta sa mas mataas na toll rate para sa mga motorista simula Hunyo 4.
Sa kaso ng NLEX, patuloy na nagrereklamo ang mga motorista dahil sa palpak na serbisyo sa toll road, ayon kay Gatchalian.
“Regular akong dumadaan sa NLEX at alam ko ang sitwasyon nang personal. Karaniwang nagrereklamo ang mga tao dahil sa sirang cashless reader at matinding trapiko, lalo na kapag weekends o holiday kung kailan tumataas ang bilang ng mga dumaraan sa toll road,” sabi niya.
“Dapat munang ayusing ng mga operator ng mga toll road na ito ang kanilang depektibong cashless system at magpatupad ng programa na magpapagaan sa daloy ng trapiko bago magsagawa ng anumang pagtataas ng singil,” diin ni Gatchalian.
Patuloy aniyang tinitiis ng mga motorista ang siksikan ng mga sasakyan sa ilang bahagi ng toll road, lalo na sa mga lugar na papalapit na sa toll booths.
Gayundin, ang cashless payment system ng mga pangunahing toll road ay patuloy na hindi maaasahan, at nag-aambag sa mas matindi pang trapiko sa ilang lugar.
“Anumang pagtaas ng singil sa mga pangunahing toll road sa bansa ay dapat magresulta sa mas mataas na pamantayan ng serbisyo at mas magandang karanasan para sa mga motorista,” dagdag pa ng senador.
“Siguraduhin muna ng TRB na maayos ang pagpapalakad sa NLEX at sa SLEX bago ito magpasya ng dagdag bayad para sa mga dumadaan dito,” pagwawakas niya. (NINO ACLAN)