BINATIKOS ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa isyu ng job security at paggamit ng pera ng bayan, matapos maglunsad ng kilos-protesta ang mga tauhan nilang bingi (deaf) at kanilang mga tagasuporta sa Liwasang Bonifacio noong Biyernes.
Kinuwestiyon ng National Coordination Network of Deaf Organizations (NCNDO) ang napipintong pagsibak sa pitong kawani ng komisyon sa ilalim ng Filipino Sign Language sa Hunyo 30 at ang umano’y pagbuwag sa naturang unit.
Ang KWF ay kasalukuyang pinamumunuan ni Chairman Arthur Casanova.
Suportado ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Filipino Sign Language National Network (FSL-NN) sa ang NCNDO sa “paniningil” sa KWF.
Kaugnay nito, itinanggi ng KWF sa isang kalatas na napunta sa korapsyon ang P1.8 milyong inilaan para sa implementasyon ng Filipino Sign Language (FSL) program.
“The problem with the budgeting and financing of the agency’s project was caused by the improper planning and monitoring of the program and project commissioner and the administration and finance commissioner,” sabi ng KWF.\
Noong Hulyo 2022, lumagda sa isang memorandum of agreement ang NCNDO at National Coordination Network for Interpreting upang palakasin ang paggamit ng FSL sa bansa.
Nakasaad sa kasunduan na kailangang magbuo ang KWF ng isang unit na tutulong sa komisyon para sa promosyon at pagtuturo ng FSL.
Giit ng NCNDO walang lehitimong dahilan ang KWF administration sa pagtanggal sa FSL staff members at pinagkaitan pa sila ng wastong sahod at naantala pa ang kanilang suweldo sa loob ng tatlong buwan na walang ibinigay na paliwanag ang komisyon.
Ayon kay Patrick Ablaza, senior advocacy officer KWF-FSL unit, nais nilang malaman kung paano ginasta ang P1.8 million na inilaan para sa kanilang yunit noong 2023. (ROSE NOVENARIO)