📷Sen. Loren Legarda
NABABAHALA si Sen. Loren Legarda sa tila “unti-unting pananakop” ng mga dayuhan sa Pilipinas.
Inihayag ito ni Legarda bilang tugon sa kontrobersya sa citizenship ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at pagkakasangkot ng alkalde sa illegal operations ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa kanyang bayan.
Batay sa tax documents na hawak nina Senators Sherwin Gatchalian at Risa Hontiveros, maaaring ang in ani Guo ay isang Lin Wen Yi.
Tinawag ni Legarda ito na posibleng isang “creeping invasion” dahil hindi lang naman aniya nagmumula sa karagatan o sa ere ang mga pananakop ngayon.
Kaya dapat aniyang busisiin ang ugat ng suliranin, kung ito’y sa proseso ng pagbibigay ng birth certificates at iba pang dokumento sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“Dapat talaga tingnan natin, saan ba nanggaling ito? Sa pagpeke ng mga birth certificate at mga dokumento ng mga government agencies kaya posibleng ang taong dayuhan ay magiging Pilipino at magiging kwalipikado para mahalal ng mga Pilipino,” anang senadora.
“So napaka seryosong isyu,” dagdag niya.
Si Legarda ay isang colonel sa Philippine Air Force Reserve Corps kaya’t mahalaga sa kanya ang mga isyung may kinalaman sa pambansang seguridad at nakatitiyak siya na hindi “isolated issue” ang kaso ni Guo.
“Napakahalaga sakin ng isyung to hindi lamang sa isang small town mayor (Kung di) sa iba pang possible infiltration ng ibang bansa. Hindi lang sa mga halal na posisyon kundi sa ibang areas of security sa ating bansa,” aniya.
“This is not new. It’s sinister enough to plant foreign nationals to pretend to be Filipinos then to govern even just a small town and have illegal activities, and violating Philippine laws.”
Itinanggi ni Legarda na isang uri ng Sinophobia ang isinasagang imbestigasyon ng Senado sa pagkatao ni Guo.
“Definitely not. No. We’re doing this for the Filipino people, the Filipino nation upholding our rights as citizens of our beloved country. And this is for everyone’s sake including the Filipino-Chinese community,” aniya.
“We’re doing it for everyone. It’s really not just an economic issue but i said a national security concern,” giit ng senadora. (ROSE NOVENARIO)