Sat. Nov 23rd, 2024

📷Dating Defense Secretary at Sen. Orlando Mercado

IPINANUKALA ni dating Defense Secretary Orlando Mercado sa Philippine Coast Guard (PCG0 na bombahin ng tubig mula sa Ilog Pasig ang puwersa ng China sa West Philippine Sea (WPS) para maimpeksyon ang mga ito.

Suhestiyon ito ni Mercado kasunod ng ulat na pitong sundalong Pinoy ang  sugatan nang magpang-abot ang puwersa ng Philippine Navy at China Coast Guard matapos banggain, kaladkarin at sampahan ng mga tauhan ng CCG ang bangka ng PN na nasa resupply mission patungong Ayungin Shoal.

Giit ni Mercado, hindi dapat iasa ng Pilipinas sa Mutual Defense Treaty sa US, trilateral agreement sa Japan at US, at mga umaayuda rin sa atin gaya ng Australia at mga bansa sa Europa ang pakikipangtunggalian sa China dahil sa taktikang grey zone, hindi bakbakan ang labanan kundi utakan at gitgitan.

“Kung binabanatan tayo ng what do you call this ng water cannon bakit hindi rin tayo gumamit ng water cannon? Tapos pambomba natin yung tubig ng Pasig river para magkaroon sila ng sangkatutak na impeksyon,” sabi ni Mercado sa panayam sa programang Sa Totoo Lang sa One PH .

Kahit aniya may mga kakamping ibang bansa ang Pilipinas, kailangan magpakita ng pangil ang bansa at ipakita sa Beijing na nakahanda ang mga Pinoy na ipaglaban ng patayan ang ating teritoryo.

“Maliwanag na ang kakampi natin yung ibang mga bansa nakikita nila na inaapi talaga tayo but kailangan magpakita ka rin. We cannot ask other countries to fight for us, we have to be willing to die also,” aniya.

Naniniwala si Mecado na sinasadya ng China na patindihin ang tensyon sa WPS upang maisakatuparan ang hangarin na angkinin ang buong South China Sea para target nitong “bawiin” ang Taiwan.

“They’re pushing it to the redzone already. Talagang ina-up nila kasi alam nila na napaka-importante na mahawakan nila yung South China Sea dahilan sa mga maaaring pinaplano nila para sa Taiwan. Kasama na lahat yan, kasama na rin yung East China Sea,” paliwanag ni Mercado.

May panahon aniya para sa paggamit ng diplomasya at may tamang panahon para umaksyon.

Panahon na aniya upang ayusin ang nabubulok na BRP Sierra Madre at magsadsad ng dagdag na barko ng PN sa Ayungin Shoal at hindi basta tanggapin na lang ang mga pang-aapi sa atin ng China lalo na’t alam ng buong mundo na nanalo ang Pilipinas sa arbitral ruling.

“Kaya sakin sa tingin ko, it is time. No more mister good guy. alam ng mundo na tayo ang nanalo sa arbitral ruling at walang legal basis ang china, it is very important us… tit for tat, ‘yun ang dapat na ginagawa natin.”  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *