Fri. Nov 22nd, 2024

SA “BAGONG PILIPINAS”, PILIPINO LALONG NAGHIHIRAP!

Papalapit na ang ikatlong State of the Nation Address ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr pero ang sitwasyon ng karaniwang mamamayan ay lalo lang lumubha. Hindi abot ng masa ang nagtataasang presyo ng bilihin kabilang ang bigas. Sobrang mahal ng mga bayarin at pang araw-araw na gastusin; subalit ang tugon lamang ng pamahalaan ay P35.00 na taas-sahod sa Metro Manila, habang walang dagdag sa mga probinsiya.

Sa halip na nakabubuhay na sahod at libreng serbisyong panlipunan, ang hinain ni Marcos Jr ay mapanlinlang na “Bagong Pilipinas” na pinapaawit at pinabibigkas pa sa atin araw-araw. Ang sagot niya sa kahirapan, kagutuman, at malalang krisis sa kabuhayan ay byahe sa abroad, Maharlika Investment Fund, Confidential Funds at Charter Change na planong ibenta ang yaman ng bansa sa mga dayuhan.

KINAKALADKAD ANG PILIPINAS SA GERA

Bukod sa pagbenta sa dayuhan ng ating kalupaan at ekonomiya, pinayagan ni Marcos Jr ang Estados Unidos na paramihin ang mga pasilidad nito sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa buong kapuluan. Para raw ito sa depensa ng ating teritoryo laban sa panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea; pero ang totoo, nais tayong kaladkarin ng US sa gera nito sa Tsina. Nagpasok pa ng mga barkong pandigma at bomba habang pinalawak at pinarami ang US military exercises.

Banta sa kapayapaan, paglabag sa soberanya, mapanira sa kalikasan, at salot sa kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka ang EDCA at Balikatan. Ayaw ni Marcos na hanapan ng diplomatikong solusyon ang problema sa Tsina dahil tulad ng kanyang diktador na ama, si Marcos Jr ay sadyang tuta ng Kano at isusuko nya ang ating soberanya kapalit ng ayudang militar at kapit sa kapangyarihan.

UNITEAM NG MGA MANDARAMBONG AT PASISTA

Higit na pumihit papalapit sa Estados Unidos si Marcos Jr habang tumindi ang alitan sa mga Duterte, na humantong sa tuluyang pagbuwag ng Uniteam ng mga mandarambong at pasista. Wala naman talagang pagkakaiba ang mga Marcos at Duterte: parehong bulok na dinastiya, mga tamad at palpak na pangulo, patron ng mga ganid na kroni, at sagad-sagaring tuta ng mga dayuhan.

Nagpapanggap na mabait si Marcos Jr pero ang katotohanan ay pinagpapatuloy niya ang mga pasistang patakaran ni Duterte. May drug-related killings pa rin, may red-tagging pa rin, ayaw niyang buwagin ang NTF-ELCAC, hinaharangan niya ang ICC, dumami ang mga kaso ng sapilitang pagdukot ng mga aktibista, walang tigil ang pambobomba sa kanayunan, walang pag-usad sa usapang pangkapayapaan.

ITAKWIL ANG MGA MARCOS AT DUTERTE! BAGUHIN ANG BULOK NA SISTEMA!

Sa sobrang kabulukan ng sistema ay tila pinapipili na lang ang mamamayan sa pagitan ng dalawang despotikong pamilyang subok na sa pagnanakaw at pagpapahirap sa bayan.

Mga kababayan, ang landas ng pagbabago ay wala sa pagkampi kay Marcos o Duterte dahil ang sinusulong nila ay pawang makasariling interes ng kanilang pamilya at hindi ang kapakanan ng karaniwang tao. Kailangang managot sila sa pag-abuso sa kapangyarihan at pagiging sunud-sunuran sa dikta ng mga dayuhan. Dapat ikulong si Duterte para sa mga karumal-dumal na paglabag sa karapatang pantao, at papanagutin si Marcos Jr para sa mga patakarang kontra sa interes ng mahihirap na mga Pilipino.

Kumilos tayo sa ikatlong SONA ni Marcos Jr at kalampagin ang gobyerno sa mga isyu ng lupa, dagdag sahod, nagtataasang presyo, kawalan ng serbisyo, hustisya at karapatang pantao, banta ng imperyalistang gera at talamak na kurapsyon. Higit sa lahat, ipaglaban natin ang tunay na pagbabago sa lipunan, at ang tunay na kapangyarihan para sa mamamayan, hindi ng iilan. Ipanalo natin ang pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang demokrasya.(BAYAN| Facebook)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *