📷Si dating Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV kasama si Angelo Almonte sa Kapihan sa QC sa Mangan-Tila Restaurant.
NANINIWALA si dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV na ang matinding panawagan ng publiko, international community at civil society groups na isuko si dating Presidente Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ang magpapabago sa isipan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos para makipagtulungan sa ICC para mapanagot ang dating punong ehekutibo sa kasong crimes against humanity.
Sa Kapihan sa QC kahapon ay inamin ni Trillanes na nasa waiting game pa ang lahat dahil historically, aabot sa isa hanggang 3 buwan nilalabas ng ICC ang arrest warrant laban sa akusado.
Kombinsido si Trillanes na hindi pahuhuli ng buhay si Duterte at mas malaki ang tsansa na tumakas ito ng bansa at magtago sa China.
Mahihirapan aniyang magtago sa Pilipinas si Duterte dahil bukod sa may edad na ito ay marami pa ang entourage.
Malinaw naman aniya sa Republic Act 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity ,Section 17, na kapag nag-iiimbestiga na ang international court sa akusadong nasa Pilipinas, kailangan isurender siya ng pamahalaan.
Habang sa isyu naman ng P6.6-B plunder case na isinampa ni Trillanes laban kina Duterte at Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, magtatagal pa aniya bago maisampa ng Department of Justice sa hukuman ang kaso sanhi ng bultong mga ebidensyang bubusisiin.
Kahit kumandidato aniya sa 2025 midterm elections sina Duterte at Go at nanalo pa sila, makukulong sila paglabas ng arrest warrant sa kasong plunder na no bail. (ROSE NOVENARIO)