Fri. Nov 22nd, 2024

📷House Speaker Martin Romualdez

Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na nagtutulong ang Malakanyang at Kongreso para tiyaking “self-sufficient”—o hindi na aasa pa sa inangkat na bigas—ang bansa sa 2028, o bago bumaba sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Lahat ng ito kino-converge natin para mas efficient ang paggamit ng pondo. Dati, ‘yung DA (Department of Agriculture) may programa, NIA (National Irrigation Authority) may programa parang hindi nag-uusap. Pero, nag-uusap na tayo. So, we feel that sa puno’t dulo nito magkakaroon tayo ng rice self-sufficiency,” ani Romualdez.

“So all-of-government approach, so ‘yung Department of Agriculture, National Irrigation Authority, NFA (National Food Authority), siyempre ‘yung buong executive, ngayon ‘yung legislative nag sama-sama na.” dagdag ng House Speaker.

Pagpapalawig pa ng kongresista mula sa unang distrito ng Leyte, maging ang iba pang ahensiyang nasa ilalim ng punong ehekutibo gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay kikilos para matiyak na may imprastrukturang makatutulong para mapaunlad ang produksiyon sa bansa.

“Magko-construct ang DPWH (Department of Public Works and Highways) ng mas maayos na CIS (Comprehensive Irrigation Systems), interconnected ito sa mga impounding para sa tubig, para kapag umulan may flood control na nag-aasikaso, mayroon ka nang patubig, mayroon ka pang reservoir, bulk water,” ani Romualdez.

Binigyang-diin pa ng House Speaker na dapat na manatiling may sapat na pagkain na nakahain sa bawat hapag sa bansa dahil ito rin ang titiyak sa pambansang seguridad.

“Food security, is national security. So, talagang mahalaga talaga itong programa na ito. Unang-una, gusto nating ibaba ang presyo ng bigas na abo’t kaya ng lahat ng Pilipino, kasi ang Presidente ayaw na ayaw niya na may mahirapan o magutom na Pilipino,” saad ni Romualdez.

Bukod sa sapat na patubig, sisiguruhin din ng gobyerno na may iba pang tulong na matatanggap ang mga magsasaka ng palay para makamit ang sapat na suplay nito sa hinaharap.

“We are relying on them, and we assure them that Congress, government, the people are behind them,” dagdag ni Romualdez. (NOEL SALES BARCELONA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *