📷Quad Committee Chairman Robert Ace Barbers
NANINDIGAN si Surigao del Norte 2nd District Rep. at Quad Committee Chairman Robert Ace Barbers na walang katotohanan ang paratang ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na winasak ng naturang komite ang kanyang pamilya.
“Saang punto kami nangwasak ng pamilya? Parang hindi naman siguro, wala naman sigurong katotohanan iyan ‘no,” sabi ni Barbers sa isang news forum sa Quezon City.
“Alam mo, siyempre sagrado ang pamilya at iyan ang gusto nating panatilihin dito sa komiteng ito. Kung totoong may nagwasak ng pamilya, hindi kami. Ang aming gusto lang sa kaniya, sumagot siya sa tanong ng aming mga kasamahan sa quad,” dagdag niya.
Desisyon aniya ni Roque kung sino ang gusto niyang makasama sa joint account sa bangko pero naukilkil ito ng quad comm dahil lumutang sa kanilang imbestigasyon sa illegal POGO na kliyente ng dating presidential spokesman.
Matatandaan inamin ng dating executive assistant ni Roque na si 2016 Mr. Supranational AR dela Serna sa quad comm na nagkaroon sila ng joint account ng dating presidential spokesman na milyun-milyong piso ang laman.
“But you know, to whom he wants to have a joint account with, desisyon niya iyan. Pero kapag iyan ay natanong eh huwag mong sabihin na kami ang sumira eh natanong, nalaman eh, hindi ba. Hindi naman kami ang gumawa noong pagdyu-joint account mo, hindi ba? Tapos ngayon sasabihin mo, kami ang dahilan kung ba’t nawasak ang pamilya mo. Hindi, wala ho sa aming mandato iyan, nasa iyo iyan. Kung iyan ang ginagamit mong rason na sinira iyong buhay mo, hindi ho kami sumira, tanungin mo ang sarili mo,” sabi ni Barbers.
Naglabas ng arrest warrant ang quad comm laban kay Roque matapos siyang mabigo na isumite ang mga dokumentong ipinangakong ibibigay sa komite ngunit nang isilbi ito sa law office niya ay tumanggi ang kanyang staff na tanggapin.
Sa isang video message, tinawag ni Roque na isang “kangaroo court” ang quad comm at winawasak ang kanyang pamilya kaya’t dudulog siya sa korte upang kuwestiyonin ang kapangyarihan ng Kongreso sa mga personal niyang dokumento.
Paliwanag ni Barbers, ang pag-iimbestiga ng quad comm ay may layuning makapagbalangkas ng batas na katulad ng RICO (Racketeer Influenced and Corrupt Organization) Law ng Amerika.
“Perhaps we can copy the best practices outside of the Philippines, ano ito, iyong RICO (Racketeer Influenced and Corrupt Organization) Law ng Amerika. Maaaring puwede tayong gumawa niyan dito at iyan ang aming pinag-aaralan sa ngayon ‘no, iyong Racketeering And Influence and Corrupt Criminal Organization Act ‘no, iyon ang aming tinitingnan na magiging produkto nitong investigation na ito. Kaya doon po sa mga bumabatikos na wala hong pupuntahan ito, eh hintayin ninyo lamang po,” giit niya.
Naniniwala aniya ang mga mambabatas na ang paglaganap ng Philippine offshore gaming operators (POGO) sa Pilipinas ay resulta ng pagdating sa bansa ng drug syndicate na kumita ng malaki at ginamit itong puhunan para makapagtayo ng mga kompanyang pumasok sa operasyon ng POGO.
“Itong pagpasok ng POGO ay magkakasama iyong aming teorya dito na mayroong drug syndicate pumasok sa Pilipinas, kumita ng malaki, ginamit ang pera pambili ng mga lupa, magtayo ng mga kumpanya, kinurap ang ating ahensiya ng gobyerno para sila ay magpanggap bilang Pilipino, nakabili sila ng lupa, nakapagtayo sila ng kanilang kumpanya, pumasok ang POGO,” wika ni Barbers.
“Doon hinugasan ang pera sa POGO, doon hinugasan ang pera na maaaring galing sa prostitusyon, human trafficking, drug trafficking, kidnap for ransom, lahat po ng illegal ng mga gawaing ito, ang proceeds galing dito, doon ho maaaring ginawang ligal doon sa pagpasok ng POGO dito sa atin,” aniya. (ROSE NOVENARIO)