Nanumpa si Jose Edwiniel “Joee” Guilas bilang OSAP-IEA Undersecretary kay Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Secretary Frederick Go noong 15 Hunyo 2024. (Joee Guilas/Facebook)
ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. si Jose Edwiniel “Joee” Guilas bilang bahagi ng kanyang Economic Team na nagsisilbing Undersecretary ng Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (OSAP-IEA) sa ilalim ni Secretary Frederick D. Go.
Nagkabisa ang appointment ni Usec Guilas noong Mayo 15, 2024.
Ito ang kanyang unang pagsabak sa serbisyo publiko.
“I always had it in my heart to serve the people through the government as a way of giving back to the taxpayers who gave me the means to finish my education” ani Guilas.
Nagpasalamat siya sa Panginoon sa pagbibigay ng pagkakataong matupad ang isa ng kanyang mga pangarap.
Bago ang kanyang pagpasok sa gobyerno, si Guilas ay isang respetadong multi-media personality na may mahabang karanasan bilang mamamahayag sa loob ng 30 taon.
Naging mamamahayag siya ng radyo, parehong AM at FM, naging kolumnista para sa ilang publikasyon at broadsheet, at naging host ng mga programa sa tradisyonal at digital na media.
Ang pagsusumikap ni Guilas bilang media practitioner ay nagbunga at naitala siya sa kasaysayan bilang unang news anchor mula sa state-run People’s Television Network na nanalo bilang Best Male Newscaster sa 35th Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club.
Siya rin ay naging nominado para sa Best Television News Anchor sa prestihiyosong Asian Television Awards na ginanap sa Vietnam noong unang bahagi ng taong ito.
Sa labas ng larangan ng media, si Guilas ay kinikilalang corporate professional, na nag-okupa ng mga senior executive post sa iba’t ibang kompanya sa iba’t ibang industriya.
Bago ang kanyang appointment sa Malacanang, si Guilas ay Bise Presidente at Direktor ng Newport World Resorts (dating Resorts World Manila), na nagdala para sa kumpanya ng higit sa 50 local at international awards at accolades.
Ang kanyang kadalubhasaan sa larangan ng business communications, marketing, advertising, public relations, customer service excellence at product development ay magiging kapaki-pakinabang habang ginagampanan niya ang kanyang kasalukuyang tungkulin ng gobyerno sa pagbuo ng mga estratehikong pakikipagsosyo at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang madla upang isulong ang Pilipinas bilang pinaka-promising sa Asia at sentro ng pamumuhunan.
” Now it’s time to give it my best shot to help millions of Filipinos fulfill theirs (dreams)… officially,” aniya.
Isang lubos na hinahangaan na academician at mentor, si Guilas ay nagturo sa Far Eastern University at miyembro ng Miss Universe Philippines Council of Advisers. Bukod pa rito, kasama siya sa People Asia’s Men Who Matter awardees noong 2015 at Lifetime Achievement Awardee ng Outstanding Men and Women of the Philippines Awards.
Si Guilas ay nagtapos ng kanyang BS Economics degree mula sa University of the Philippines, high school education sa Torres High School at elementarya sa St. Joseph Parochial School.
Ang kanyang ama ay ang yumaong si Pablo B. Guilas na nagsilbi rin sa Malacanang bilang photojournalist at naging bahagi ng pioneering team na nagsimula sa Philippine News Agency noong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. (ROSE NOVENARIO)