Thu. Nov 21st, 2024

📷NEDA Secretary Arsenio Balisacan

 

KAILANMA’y hindi naging pabor ang kaisipan ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan sa mga manggagawa, bagkus sa tuwina siya ay ‘pro-capitalism,’ ayon kay Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis.

Sa panayam sa Bombo Radyo, tinawag ni Adonis na isang malaking panloloko ang pahayag ni Balisacan na ang pagbibigay ng P35 na umento sa sahod ng mga obrero ay magreresulta sa tanggalan ng hanggang sa 140,000 na mga manggagawa.

Ani Adonis, mistulang pinalalabas ni Balisacan na kasalanan pa ng mga manggagawa na humingi ng umento sa sahod na kung sa tutuusin ay base sa masusing pag-aaral at sa mga siyentipikong datos bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng mga panunahing bilihin at serbisyo.

Maliban aniya sa kapos na aksyon sa kahilingan ng mga manggagawa, lalong pinatindi ng NEDA ang kawalan ng pakialam sa mga mamamayang Pilipino nang pinababa pa ang taripa sa imported na bigas.

Ang naturang hakbang aniya ng administrasyong Marcos Jr. ay lalong magpapahirap sa mga magsasakang Pinoy na hindi na nga nakatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.

Malakas na dagok ito sa mga pangkaraniwang mamamayan na nakalugmok na nga sa kahirapan, giit ni Adonis. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *