Thu. Nov 21st, 2024

Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa lumalaganap na pekeng cryptocurrency investment scheme, gamit ang artificial intelligence (AI) para makapanloko.

Anang BSP, marami ang gumagamit ng AI para makalikha ng kapani-paniwala subalit pekeng audio at video na pinalalaganap naman ng mga scammer sa social media. Layunin ng naturang mga audio at video na magpakalat ng mali at pekeng impormasyon tungkol sa mga organisasyon, opisyales, at maging mga tauhan ng BSP.

Nilinaw ni BSP Governor Eli M. Remolona Jr. na wala siyang kinalaman maging ang Bangko Sentral sa pinalalaganap na cryptocurrency investment scheme gaya ng Tesler Code.

Binalaan din ni Remolona ang mga grupo at indibiduwal na gumagamit sa BSP, mga tanggapan at empleyado nito para makapanghikayat na mamuhunan sa cryptocurrency – isang uri ng electronic money – na mananagot sila sa batas sakaling masakote dahil sa kanilang modus.

Samantala, hinimok naman ni Remolona ang publiko na maging mapanuri at huwag na magbigay ng personal na impormasyon sa kahina-hinalang mga tao at maging sa mga link o website. Sinabi rin ng gobernadora ng Bangko Sentral na busisiin kung tunay ang natatanggap na text messages na mula raw mismo sa mga opisyal o kinatawan ng ahensiya.

Kung may natatanggap na kaduda-dudang text o mensahe na nagsasangkot sa BSP, maaaring ipagbigay-alam ito sa ahensiya sa pamamagitan ng pagtawag sa (+632) 8811-1277 o 8811-1BSP. Maaari ring magpadala ng email para iulat ang insidente sa [email protected]. (NOEL SALES BARCELONA)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *