INATASAN ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang financial institutions at mga ahensya ng gobyerno na i-freeze ang bank accounts at assets ni Bamban Mayor Alice Guo, at ng dalawa pang tao sanhi ng umano’y pagkadawit sa illegal na mga kompanya ng Philippine offshore gaming operator (POGO).
Sa isang kalatas, sinabi ng AMLC na inapropahan ng Court of Appeals ang petisyon ng council para sa paglalabas ng kautusan na i-freeze ang assets at ng mga inidibidwal at kompanya na umano’y sangkot sa human trafficking, money laundering at iba pang illegal na aktibidad ng POGO.
Kabilang sa kasama sa petisyon ng AMLC ay sina Guo, Zhiyang Huang at Baoying Lin.
“These individuals are suspected of orchestrating human trafficking and fraudulent activities through entities such as Zun Yuan Technology Inc., BAOFU Land Development Inc. and Hongsheng Gaming Technology Inc.,” ayon sa AMLC.
Saklaw ng freeze order ang mga assets, gaya ng 90 bank accounts sa 14 na financial institutions, mga lupain at high-value personal properties, katulad ng luxury vehicles at isang helicopter.
“This decisive action aims to prevent the dissipation of assets while the investigation and legal proceedings continue,” anang AMLC. (ROSE NOVENARIO)