Sat. Nov 23rd, 2024
Sen. Jinggoy Estrada

📷Sen. Jinggoy Estrada

 

IPINANUKALA ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pagpasa ng batas na magtatatag ng food banks at mag-aatas sa food manufacturers at mga establisyimento gaya ng restaurants, cafes, fast food chains, hotels, supermarkets at culinary schools na i-donate ang kanilang sobrang pagkain para sa mga nangangailangan nito.

“Nakakalungkot malaman na napakaraming pagkain ang nasasayang habang marami rin sa ating mga kababayan ang nagugutom,” ani Estrada.

Pinatungkulan ng senador ang pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) na nagpakita ng pagtaas ng bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakakaranas ng involuntary hunger – 14.2 porsyento noong Marso 2024 kumpara sa 12.6 porsyento noong Disyembre ng nakaraang taon.

Ang involuntary hunger, ayon sa SWS, ay tumutukoy sa pagdanas ng gutom at kakulangan sa pagkain nang hindi bababa sa isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.

Sa datos ng Sustainability Solutions Exchange (SSX) na nasa ilalim ng Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM), 88 kilo ng pagkain ang nasasayang ng karaniwang Pilipino bawat taon, at higit sa 35 porsyento ng nasasayang na pagkain o food waste ay hindi mula sa mga kabahayan kundi mula sa sektor ng food at retail sector.

Sa inihaing Senate Bill No. 1644 ni Estrada, ang ipinapanukalang Food Surplus Reduction Act ay naglalayong magpatupad ng isang sistema upang itaguyod, mapadali at matiyak ang pagbawas ng food surplus sa pamamagitan ng redistribution at recycling.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga may-ari ng mga saklaw na establisyimento ay aatasan na ihiwalay ang mga sobra nilang pagkain mula sa mga hindi na pwede pang ipakain pa sa iba. Ang mga ito ay susuriin ng sanitary inspector ng local government unit (LGU) para aprubahan kung ligtas kainin at maaaring i-donate sa mga food bank na kinikilala at rehistrado sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang mga nasabing food bank ang mamamahagi ng mga maaari pang makain na food surplus sa mga nangangailangan nito sa pakikipag-ugnayan sa mga LGUs.

Sa panukalang batas na ito, ang DSWD aniya ang magbibigay gabay at pamantayan kung paano kokolektahin, iimbakin at ipamamahagi ng mga food bank ang mga nai-donate sa kanilang mga pagkain.

Naglagay rin si Estrada ng probisyon na nagtatatag ng isang self-sufficiency program para bigyan ng kasanayan ang mga benepisyaryo sa pamamahala ng food banks at livelihood programs, isang paraan para maiwasan ang pagiging depende nila sa mga donasyon.

Mayroon ding liability protection clause na layong protektahan ang mga donor ng pagkain mula sa mga posibleng pag-aabuso at makapanghikayat ng mga donasyon.

Sa nasabing panukalang batas, nakasaad dito na ang mga may-ari ng mga establisyimentong pagkain ay may pananagutan lamang habang nasa kanila pa ang food surplus. Kapag ang kanilang donasyon ay naibigay na sa mga food bank, wala na silang anumang pananagutan sa mga ito.

Ang reselling o pagbebenta ng mga donasyong pagkain ay mahigpit na ipinagbabawal at ang sinumang mahuhuli na gumagawa nito ay papatawan ng parusang prision mayor, sabi ni Estrada.

Ang sinuman na makakapagdulot ng pagkapanis ng mga pagkain ay pagmumultahin ng P1 milyon hanggang P5 milyon na multa, aniya.

Ang SB 1644 ay nag-aatas din ng isang National Zero Food Waste Campaign upang itaas ang kamalayan ng publiko sa epekto ng food surplus at mga estratehiya upang mabawasan ang nasasayang na pagkain sa household level.

“Ang pagbawas ng nasasayang na pagkain ay hindi lamang tutugon sa kakulangan ng pagkain sa bansa, dahil makakabawas din ito sa mga alalahanin na may kinalaman sa kapaligiran. Kabilang dito ang mga negatibong epekto tulad ng produksiyon ng methane gas, greenhouse gases, at kontribusyon sa climate change,” sabi ng senador. (NINO ACLAN)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *