Fri. Nov 22nd, 2024

📷NYC Chairman Ronald Cardema (file photo)

 

BINATIKOS ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel ang National Youth Commission at Duterte Youth sa pagkokopyahan at pagpapakalat ng fake news laban kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro kaugnay sa isyu ng Talaingod 18.

Giit ni Manuel, tikom ang bibig ng dalawang grupo sa mga usapin ng kabataan kaya ang hamon niya sa NYC en banc, maglabas ng pahayag kung sinasang-ayunan ang position ng chairman nitong si Ronald Cardema.

“Guard gising na po sila! Naglabas po statement bigla ang NYC at Duterte Youth para magpakalat ng fake news kay Rep. Castro, copy paste pa. Pero sa mga issue ng kabataan, wala namang imik. Parang bulakbol na estudyante, late na nga gumising, nagkopyahan pa ng assignment. Kaya hinahamon din po natin ang NYC en banc kung yan din po ang position ng NYC en banc na hayaan ang chairperson na magpakalat ng mga kasinungalingan, maglabas ng pahayag na hindi naman reflective sa kung ano ang tindig ng mga kabataan?” sabi ni Manuel.

Maituturing aniyang pagwawaldas sa pondo ng bayan na gamitin ang opisina ng NYC at isang kongresista para magpakalat ng fake news.

“Pagwawaldas sa pondo ng bayan na gamitin ang opisina ng NYC at isang kongresista para magpakalat ng fake news. Walang kinidnap o dinalang kabataan sina Rep. France sa Talaingod. Matagal nang panahon na nag-aaral sa kanayunan ang mga kabataang lumad sa mga eskwelahang sila mismo ang nagtayo dahil di abot-kaya ang edukasyon na binibigay ng gobyerno,” dagdag ni Manuel.

“Sumaklolo sina Rep. France dahil sa inulat na militarisasyon ng kanilang mga eskwelahan sa utos ni Rodrigo Duterte para bigyang daan ang mga malaking minahan. Tiniyak lang nina Rep. France na mailigtas ang mga lumad students mula sa banta ng mga grupong paramilitary,” paliwanag ni Manuel hinggil sa child abuse case na isinampa ng militar laban sa Talaingod 18.

Binigyan diin niya na gusto lang pagtakpan ni Cardema ang atraso ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang mga kababayang lumad, pagpapasara ng lahat ng paaralang lumad at pagpataw ng batas military sa Mindanao na humantong sa paglikas nila mula sa kanilang lupang ninuno at mga masaker, kasama rito ang pagpaslang sa isang Grade 7 lumad school student na si Obello Bay-ao

“Nais lang pagtakpan ng mga Cardema ang kasalanan ni Duterte sa kanyang mga kababayang lumad: ang pagpapasara ng lahat ng eskwelahang lumad at pagpataw ng batas militar sa Mindanao na humantong sa paglikas nila sa kanilang lupang ninuno at mga masaker, kasama rito ang pagpaslang sa isang grade 7 lumad school student, si Obello Bay-ao. Hanggang ngayon wala pa ring hustisya para rito,” ani Manuel.

“Kailangan natin ng mga lider gaya ni Rep. France at ni former Rep. Satur, na kahit sino pa yung nasa Malacañang kapag may ginagawang mali, ay handa tayo pumuna at maglahad ng ating alternatiba. Hamon din po sa ating mga kabataan na depensahan po sila. Sila po ang mga lingkod-bayan na deserve po natin na maglingkod sa atin,” pagtatapos ng kongresista. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *