Sat. Nov 23rd, 2024

IPINAGBAWAL na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng Philippine offshore gaming operations (POGOs) sa buong bansa.

Ang pahayag na ito ni Marcos Jr. ang naging pinakatampok sa kanyang halos isa’t kalahating oras na ikatlong State of the Nation Address (SONA) ngayon.

“The grave abuse and disrespect to our system and laws must stop. Kailangan na itigil ang panggulo nito sa ating lipunan at pag lalapastangan sa ating bansa,” sabi ni Marcos Jr.

“I hereby instruct PAGCOR to wind down and cease POGO operations by end of 2024,” dagdag niya.

Wage hike, dagdag na benepisyo sa gov’t workers

Ipinagmalaki ng Pangulo na ang kanyang administrasyon ay naglaan ng  pondo para sa umento sa sahod ng mga kawani ng pamahalaan at tiniyak na may dagdag na benepisyo para sa kanila gaya ng medical allowance simulang matatanggap sa 2025.

”Para naman sa ating mga kawani ng gobyerno, mayroon silang maaasahang medical allowance bilang karagdagang benepisyo sa susunod na taon,”  ani Marcos Jr.

”At hindi lamang iyon. Mayroon ding napipintong omento sa suweldo na makukuha nila sa apat na tranches. Naglaan na tayo ng pondo para rito simula sa taong ito at sa mga susunod na taon.”

Pinalawig din aniya ng kanyang administrasyon ang serbisyo ng mga job order at contract of service personnel na naglilingkod sa pamahalaan.

”This will also afford them ample opportunity to work on their civil service eligibility, while gaining additional relevant experience and training to upgrade their employment qualifications,” sabi niya.

West Philippine Sea

“Ang West Philippine Sea ay hindi isang kathang-isip natin lamang. Ito ay atin.  At ito ay mananatiling atin, hangga’t nag-aalab ang diwa ng ating minamahal na bansang Pilipinas,” ani Marcos Jr. at sa tuwa ng mga tao sa Plenary Hall ay binigyan siya ng standing ovation.

“Pagtitibayin at palalaguin natin ang kamalayan at kaalaman ng buong bansa, at titiyaking mai-papasa natin ito sa ating kabataan at ating susunod na mga salinlahi,” giit niya.

Naging emosyonal si Marcos Jr. sa kanyang pasasalamat sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, gayundin sa mga mangingisda sa ginagawang sakripisyo para sa teritoryo ng bansa.

“Sa ating buong Sandatahang Lakas, sa Coast Guard, at sa ating mga mangingisda sa West Philippine Sea, tanggapin ninyo ang taos-pusong pasasalamat ng buong bansa, dahil sa inyong ginagawang pagmamatyag at sakripisyo,” aniya.

Dagdag ayuda sa buntis sa ilalim ng 4Ps

Magbibigay ng dagdag na ayuda ang pamahalaan para sa mga buntis na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang matiyak ang kaligtasan nito pati ang sanggol sa kanilang sinapupunan.

“An important of our strategy to address malnutrition shall be the program for the first 1,000 days or the first two years of a child’s life.  To ensure the health and nutrition of children zero to two years old from the poorest families, we have proposed in the 2025 budget a new grant under the Pantawid Pamilyang Pilipino Program for this purpose,” aniya.

“Sa pamamagitan nito, ang isang buntis o ang isang ina na benepisyaryo ng 4Ps ay mabibigyan ng karagdagang tulong pinansyal na laan para sa kanya at sa kanyang anak,” sabi niya.

“Ang tulong na ito ay upang matiyak na siya at ang sanggol na (nasa) kanyang sinapupunan o batang anak ay maasikaso ng doktor, mababakunahan, at mabibigyan ng sapat na nutrisyon.”

Kaugnay nito’y ipinagmalaki ni Marcos Jr. na 35 sa topnotcher sa iba’t ibang board exam sa nakalipas na  dalawang taon ay mga benepisyaryo ng 4Ps. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *