UMALMA ang mga naulilang pamilya ng Ampatuan masaker sa pahayag ni Presidential Task Force on Media Security executive director Paul Gutierrez na natigil ang pagkakaloob sa kanila ng kompensasyon dahil sa mga media group na “umepal.”
“Kaming mga naulilang pamilya ng biktima ng Ampatuan Massacre ay lubos na nadismaya at hindi nasiyahan sa pahayag ni PTFoMS executive director Paul Gutrierez noong Nov. 23, 2023,” ayon sa kalatas ng JUSTICE NOW!, grupo ng mga pamilyang naulila ng mga biktima ng masaker.
“Totoo po na kami ay nanawagan na sana’y maipagkaloob na ang kompensasyong nararapat sa amin. Pero higit pa roon ang aming panawagan at dalangin na sana’y matapos na ang kaso para tuluyan na rin naming makamit ang kabuuan ng hustisya para sa aming mga kaanak na pinatay,” dagdag ng grupo.
Sa paggunita ng ika-14 anibersaryo ng Ampatuan masaker noong 23 Nobyembre 2023 ay sinabi ni Gutierrez na kaya naaantala ang ang kompensasyon para sa mga naulilang pamilya ay dahil sa argumento ng ilang media organization na hindi pa tapos ang kaso.
“Ang nangyari nga kasi dito, bigla ngang merong mga media group na umepal, sumulat sa korte…Nakarating pa sa United Nations na hindi pa tapos ang kaso,” ani Gutierrez, isang dating mamamahayag, sa isang forum sa Maguindanao noong 23 Nobyembre.
“So, everything related dito po sa inyong compensation, kasama na po ‘yung potential na dapat po makumpiska ng gobyerno, natigil,” sabi ni Gutierrez.
Para sa JUSTICE NOW!, maling sabihin na tapos na ang kaso para lamang maipagkaloob sa kanila ang bayad danyos at hindi “kaepalan” na itama ang maling pahayag at sumulat sa UNESCO para iwasto ang naunang pahayag nito na tapos na ang kaso.
“Hindi pa tapos ang kaso. At hindi po tama sa amin na sabihing tapos na ito para lang maipagkaloob sa amin ang bayad danyos. Malaki pong tulong para sa mga naiwan kung ito ay maibigay dahil alam natin na halos lahat ng biktima ay may mga naulilang mga anak na nangangailangan ng pantustos sa pag-aaral at medical,” sabi ng grupo.
“Parte rin ang bayad na ito sa kabuuang proseso sa pagkamit ng hustisya na siyang itinakda ng korte. Lilinawin lang din po namin na mas mahalaga pa rin sa amin na makamit ang kabuuan ng hustisya.”
Iginiit nila na taliwas sa pahayag ni Gutierrez na paninisi sa ilang media organization, sila mismong mga naulila ay sumulat noong September 12, 2020 para ipabatid kay UNESCO Director General Audrey Azonlay na hindi sila sang-ayon sa naging conclusion na tapos na ang kaso.
Dahil sa kanilang paglilinaw ay binawi ng UNESCO ang kanilang pahayag.
“Lubos po naming iginalang ang korte at tunay po kaming nasiyahan na nagkaroon ng desisyon noong December 19, 2019 kahit na ito ay “partial” lamang,” anang grupo.
Batid nila na maraming suspects ay pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad at hindi rin nila nilulubayan ang kaso ng photojournalist na si Reynaldo “Bebot” Momay, ang ika-58 biktima na hindi natagpuan ang mga labi.
“Kaya hindi pa tapos ang kaso at hindi po “kaepalan” ang itama ang maling pahayag o ang sumulat sa UNESCO para ipaalam ang totoong kaganapan o sitwasyon sa kasong aming ipinaglalaban,” giit ng JUSTICE NOW!
“K\ung kaya’t para sa amin ay mali na gamiting rason ito para i-confuse ang mga pamilya sa totoong dahilan kung kaya hindi pa natatanggap ang “compensation” at higit sa lahat gamiting alibi para lang masamain ang effort na ginagawa ng mga media organizations na hindi kami kailanman iniwan sa aming laban para makamit ang hustiya.”
Nagpapasalamat sila sa mga ahensyang sumusuporta at totoong lumalaban para sa hustisyang kanilang hinahangad.
Bagama’t hindi tinukoy ng grupo ang pangalan ng ahensya ng pamahalaan, isiniwalat nilang may gumamit na sa kanilang sitwasyon para sa gimik at kampanya pero wala naman silang natanggap sa mga ipinangakong ayuda.
“Sana’y hindi ulit magamit ang mga biktima at mga pamilya para sa panibago na namang mga gimik at kampanya para lang sabihing may ginagawa ang isang ahensya ng gobyerno para sa massacre victims dahil napapagod na rin po kami dito,” anila.
“Napakaraming mga pangako na po ang aming narinig para sa sinasabing livelihood assistance, scholarships at maging ang pagbubuo ng kooperatiba ng mga pamilya upang direkta umanong matanggap ang mga tulong. Maraming taon na po ang lumipas at hindi naman namin ito natanggap.”
Nanawagan ang JUSTICE NOW! kay Gutierrez na maging sensitibo sa mga pahayag dahil napakaseryoso ng kasong kanilang ipinaglalaban at buhay ng kanilang mga mahal sa buhay ang sangkot sa usapin.
“Muli, sa hanay ng mga media at mga abogadong patuloy na lumalaban at sumusuporta, lalong lalo na sa NUJP, maraming salamat sa hindi pag-iwan at patuloy na paglaban,” pagtatapos ng pahayag ng JUSTICE NOW! (ROSE NOVENARIO)