Tue. Dec 3rd, 2024

NAKABABAHALA ang pahayag ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na todo niyang gagamitin ang kanyang parliamentary powers upang idiin si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa akusasyong miyembro siya ng Communist Party of the Philippines (CPP).

“Talagang tuwang-tuwa siya na talagang iimbestigahan ako ng ICC. Tingnan natin ngayon ikaw ang imbestigahan ko. I will do all my parliamentary powers to pin you down, tingnan natin ikaw pala talaga ay miyembro ng CPP,” sabi ni Dela Rosa sa pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs kahapon.

Malinaw na binubuweltahan ni Dela Rosa si Manuel dahil ang Makabayan bloc ang unang naghain ng resolution sa Mababang Kapulungan na humihimok sa administrasyong Marcos Jr. na makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong Duterte drug war, na isa ang senador sa akusado.

Tila napakadaling makalimot ni Dela Rosa, isang araw pa lamang kasi ang nakalipas nang pormal na ianunsyo ng administrasyong Marcos Jr. ang pagbuhay sa usapang pangkapayaan sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA-NDFP.

Sa katunayan, buong opisyal na pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay humarap sa media sa Malakanyang para sa pormal na pag-anunsyo.

Kung gagamitiin ni Dela Rosa para sa kanyang “paghihiganti” kay Manuel at sa Makabayan bloc , ang red-tagging o pagbansag na may kaugnayan sa CPP, maaaring tingnan ito bilang diinidiskaril niya ang peace process sa inisyal pa lang na yugto nito.

Nawala din yata sa isip ni Dela Rosa na noong 1992 pa ay nilagdaan na ni dating Pangulong Fidel Ramos ang Republic Act 7637 na nagbasura sa Anti-Subversion Act.

“Republic Act 1700 was passed 35 years ago—when communism seemed the wave of the future—by a Philippine state fearful of being submerged in its tide. Today we repeal it—confident of our national stability and confirmed in the resilience of our democracy,” ani Ramos sa kanyang talumpati noong 1992.

“By assuring communist insurgents of political space, we also challenge them to compete under our constitutional system and free market of ideas—which are guaranteed by the rule of law,” dagdag niya.

Kasabay nang panggagalaiti ni Dela Rosa kay Manuel kahapon  ay inaprobahan ng Committees on Justice at Human Rights ng Mababang Kapulungan ang tatlong resolusyon na humihimok sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na makipagtulungan sa ICC probe.

Ngayong kumasa na ang mga mambabatas, hindi lang ang Makabayan bloc, paano kaya iuusad ni Dela Rosa ang pagtangan niya sa red-tagging kontra sa nakaambang imbestigasyon ng ICC sa Duterte drug war at posibilidad na paglabas ng warrant of arrest laban sa mga akusado?

Hindi niya puwedeng gamiting baraha ang pandaraot sa peace process para makaiwas sa selda sa The Hague, alam niya iyon.

Sa kanyang pagkataranta, lumabas tuloy ang tunay niyang kulay, protektahan ang sarili mula sa ICC probe at hindi upang magsilbi sa interes ng sambayanang Filipino.

 

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *