Thu. Nov 21st, 2024

MISTULANG sirang plaka si Vice President Sara Duterte sa paulit-ulit niyang paiwas na sagot sa pag-usisa ng mga kongresista kung paano niya ginasta ang budget ng Office of the Vice President sa nakalipas na mga taon.

“I would like to forgo the opportunity to defend the budget in the question and answer format. I would leave it to the House to decide on the budget submitted,” ang walang sawang tinuran ni Duterte sa halos lahat ng katanungan ng mga mambabatas tungkol sa budget ng OVP.

Kabilang sa mga naungkat sa pagdinig ng House Appropriations committee para sa inihihirit na P2-B budget ng OVP ay ang kontrobersyal na P125-M confidential funds na naubos sa loob lamang ng 11 araw ni Duterte noong 2022.

Isiniwalat ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na P73 milyon sa naturang halaga ay “disallowed” ng Commission on Audit (COA) kasama rito ang P69.7 milyong bunsod ng hindi pagsumite ng mga kaukulang dokumento na nagpatunay sa tagumpay ng pangangalap ng impormasyon o aktibidad ng paniniktik bilang suporta sa Acknowledgement Receipts para sa binayarang “rewards in cash, various goods and medicines.”

Habang ang P3.5 milyon ay “disallowed” dahil ito’y ginamit na pambayad para sa mga mesa, upuan, desktop computers at printers ngunit walang nakalagay kung para ito sa confidential operations/activities.

“On the budget for 2024, ‘yung Vice President na rin ang nagsabi na slow and low utilization… Pero syempre comment ko lang, mas mabilis siya sa confidential funds. 100% in 11 days,” sabi ni Castro.

“Madam Chair, since you allowed her a snide comment, you will allow me a snide comment as well,” sagot naman ni Duterte.

“Point of order madam chair. Kasi parang siya ang nagpe-preside eh,” ani Castro.

“Ganoon talaga ang buhay ma’am… I do not understand bakit a person convicted of child abuse is still sitting in a seat,” sabat ni Duterte.

“Dina-divert ang usapan sa ating budget hearing… Dapat hindi natin yan pahintulutan sa Kamara,” wika naman ni Kabataan Party List Rep. Raoul Manuel.

Magkatulong na iginiit nina Duterte at ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na ang pagdinig ay tungkol sa 2025 budget na walang confidential funds kaya’t hindi na dapat uriratin ang isyu.

Ngunit hindi sila pinaboran ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson Rep. Stella Quimbo.

“We note that. But of course we know that ‘yung pondo ng 2023 ay pwede pa ring maging continuing appropriation hanggang 2024. In the same way 2022 pwedeng maging continuing pa rin ng 2023… It’s a big amount of money. I believe we owe it to the people,”  ani Quimbo.

Sa pag-iwas ni Duterte sa usapin ng notice of disallowance ng COA, ang tanging tugon niya,“We have submitted our responses and we assure full cooperation with the ongoing and unfinished audit.”

“Nakikita na namin ‘yung pattern ng attacks, that’s why we decided in the Office of the Vice President na ‘wag na dagdagan pa ang bala ng attacks at ipakita sa tao na ‘yung confidential funds we are in good faith in using that and goodwill namin na napapadali yung trabaho, pero pwede siyang hindi gamitin ng Office of the Vice President,” dagdag ni Duterte.

Hindi pinalampas ni Castro ang aniya’y taktikang pusit na ginagamit ni Duterte para paikutan ang mga katanungan hinggil sa paggasta niya sa budget ng OVP.

“Hindi pwede na ‘yung tactics na ganyan… ‘Pag nasusukol na ang pusit ay naglalabas ng maitim na tinta. Ayaw natin ng ganoon Madam Chair. Ang pinag-uusapan dito ay budget. ‘Wag naman mag-ugaling pusit ang Office of the Vice President,” giit ng teacher solon.

Maging si Quimbo ay nahagip din ng “asal” ni Duterte nang pinayagan ng mambabatas ang pag-usad ng mga pagtatanong sa bise president.

“Madam chair, I request that the chairperson of the Finance Committee preside over this hearing,” sabi ni Duterte.

“Pasensya na po, hindi kasama sa poder ninyo ang pagfa-fire ng presiding officer ng hearing na ito,” sagot ni Quimbo.

Marami pang mambabatas ang nagtanong kay Duterte ngunit pinanindigan niya ang litanyang paiwas na tila wala siyang pananagutan sa pera ng bayan na ipinagkatiwala sa kanyang tanggapan.

Ipagpapatuloy ang pagdinig sa OVP budget sa Setyembre 10. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *