Sun. Nov 24th, 2024

📷NDFP panel chairperson Julie de Lima

 

NANANATILING bukas ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa anomang alok ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) na ipagpatuloy ang usapang pangkapayaan kahit magkasalungat ang pahayag ng ilang opisyal ng administrasyong Marcos Jr. hinggil sa peace talks.

“Ang negosasyong pangkapayapaan ay hindi lamang tungkol sa pagwawakas sa armadong tunggalian. Higit sa lahat, ito ay tungkol sa paglutas ng mga problemang nagbubunsod ng digmaang sibil,’ sabi ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa isang kalatas.

Ang kahandaan na ilargang muli ang usapang pangkapayaan ay inihayag ng CPP kahit  nakalilito ang magkaibabang pahayag sa loob ng gabinete ni Marcos.

Matatandaan sinabi ni National Security Adviser Eduardo Ano na walang kalalabasan ang peace talks ng NDFP-GRP habang si Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. ay idineklarang “napaka-optimistiko” ng administrasyong Marcos Jr. sa kahihinatnan ng usapang pangkapayapaan.

“Anu’t anuman, pinananatili ng NDFP ang patakaran na panatilihing bukas ang pintuan sa anumang alok ng GRP na pag-usapan ang kapayapaan alinsunod sa kapwa katanggap-tanggap na mga prinsipyo ng pambansang soberanya, demokrasya at katarungang panlipunan,” anang CPP.

“Lubos kaming nagtitiwala na ang mga adhikaing ito ay patuloy na kakatawanin ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), at ihahapag ito sa negosasyon,” dagdag nito.

Tiniyak ni Julie de Lima, chairperson ng NDFP Negotiating Panel na tutupad sila sa pangako sa pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan sa GRP dahil ang kanilang dedikasyon sa pagkamit ng isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ay nananatiling matatag at naniniwala sila na ang negosasyon ay nagpapakita ng isang epektibong paraan upang matugunan ang ugat ng digmaang sibil.

“The ongoing talks between the two delegations are meant to come up with an agreed framework for the negotiations towards forging an agreement that will address the root causes of the armed conflict,” aniya sa isang statement.

Gayonman kahit aniya nakababahala ang magkasalungat na opinyon nina Ano at Galvez, umaasa ang NDFP na magpapatuloy ang pag-uusap at malulutas ng GRP ang naturang magkaibang pananaw.

Iginiit ni de Lima na  ang NDFP Peace Negotiating Panel ay nananatiling bukas at handang makipag-usap sa makabuluhang mga talakayan na maaaring humantong sa mga komprehensibong solusyon na mapapakinabangan ng mamamayang Pilipino kabilang ang pagtugon sa mga pangunahing isyu ng repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon kasama ng iba pang mahahalagang sosyo-ekonomikong alalahanin.

“The path to peace is indeed long and arduous, but it is a path that we must tread with unwavering determination, mutual respect and a genuine commitment from both parties if it is to succeed. We look forward to continuing exploratory talks with the GRP and hopeful to resume formal negotiations to achieve just and lasting peace in the Philippines.”  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *