Mon. Nov 25th, 2024

MULING pinagtibay ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang walang patid na suporta para sa muling paghalal sa ACT Teachers Party-list sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa 2025 elections matapos opisyal na nitong inihain ang kandidatura ng partido kahapon.

“Mula noong 2010, ang ACT Teachers ay naging tunay na kinatawan ng sektor ng edukasyon sa Kongreso, na itinataguyod ang mga karapatan at kapakanan ng mga guro at isinusulong ang de-kalidad na edukasyon sa pamamagitan ng legislative agenda nito,” anang ACT sa isang kalatas.

Giit ng grupo, mula nang itatag ito noong 2009 at ang unang termino nito sa Kongreso noong 2010, pinangunahan ng ACT Teachers ang pagtulak para sa mas mataas na badyet sa edukasyon, malaking pagtaas ng suweldo, pinabuting kondisyon sa pagtatrabaho, at proteksyon at pagtataguyod ng mga demokratikong karapatan.

Ang mga nominado ng party-list sa 2025 midetrm elections—Antonio Tinio, Helene Dimaukom, David San Juan, Raymond Basilio, Blesilda Mediran, Dyan Gumanao, Arnulfo Anoos, Gary Devilles, Joyce Caubat, at Fabian Hallig—bawat isa ay nagdadala ng malawak na karanasan at dedikasyon sa paghimok ng mga makabuluhang reporma sa sektor ng edukasyon.

“Mula nang mabuo, ang ACT Teachers Party-list ay nanatiling nakatuon sa pagsusulong ng sama-samang interes ng sektor.”

Higit pa anila sa sektor ng edukasyon, ang ACT Teachers ay patuloy na nanindigan sa pagtatanggol sa mas malawak na karapatan ng mamamayang Pilipino.

Isang pangunahing boses para sa partido na si Rep. France Castro ay naging instrumento sa pagtataguyod para sa transparency at mabuting pamamahala, lalo na ang pangunguna sa imbestigasyon sa kontrobersyal na confidential at intelligence fund ng Office of the Vice President at ng Presidente.

Binigyan diin ng ACT Teachers na mahalaga na ang kanilang kandidatura ay patuloy na makatanggap ng suporta dahil ang kanilang presensya sa larangan ng paglikha ng batas ay nananatiling importante sa patuloy na paghahangad ng isang makatarungan, patas, at pantay na lipunan.

“Ang Act Teachers ay nagsisilbing isang nagniningas na tanglaw para sa sektor ng edukasyon at higit pa, na nakatuon sa pagtataguyod ng mga karapatan ng mga guro at sambayanang Pilipino. Ang paparating na 2025 na halalan ay nagbibigay ng pagkakataon upang muling pagtibayin ang pangakong ito at tiyakin ang kinakailangang suportang pambatas para sa mas malawak na masa. At kami, mga guro, ang mangunguna sa paniningil sa pag-secure ng mga upuan para sa aming tunay na boses sa Kongreso,” pagtatapos ni Vladimer Quetua, ACT Chairperson. (ROSE NOVENARIO) 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *