Mon. Nov 25th, 2024

📷Former Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat

 

BINATIKOS ni dating Bayan Muna Congresswoman Eufemia Cullamat si Lorraine Badoy sa pagtakbo bilang pangalawang nominado ng isang umano’y grupo para sa mga  katutubo, samantalang bantog siya na notorious red-tagger ng mga aktibista at mga Lumad sa kanyang panunungkulan sa National Task Force to End Local. Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Giit ni Cullamat si Badoy ang nambaboy sa pakikibaka ng mga katutubo habang nasa NTF-ELCAC, na markado sa red-tagging ng mga aktibista at mga Lumad noong administrasyong Duterte.

Si Cullamat, isang kilalang pinuno ng Lumad, ay nagpahayag ng matinding pagkabahala sa mga implikasyon ng potensyal na pagpasok ni Badoy sa Kongreso.

“Even now, she continues with her red-tagging ways, and it will only worse if she gets to Congress,” aniya.

Ayon kay Cullamat, tulad ng Duterte Youth at iba pang diehard Duterte supporters partylist groups na mga tagapagtanggol din ng akusado na rapist at child molester na si Quiboloy, ay magsisilbing tagapagtanggol lang ang mga ito ng kasuklam-suklam na rekord ng administrasyong Duterte sa mga paglabag sa karapatang pantao, talamak na katiwalian, extrajudicial killings at paglaganap ng Philippine offshore gaming operators (POGO).

Matatandaan si Badoy ay pinagsabihan ng Korte Suprema sa red-tagging at naglabas pa ng buong desisyon laban sa panganib ng red-tagging.

Binigyang-diin kamakailan ng Supreme Court ang mga panganib ng red-tagging sa pamamagitan ng pagbibigay ng writ of amparo kay Siegfred Deduro, isang dating mambabatas mula sa Bayan Muna Partylist, matapos siyang maling maugnay sa communist insurgency.

Binigyang-diin sa 39-pahinang desisyon na ang “red-tagging and guilt by association threaten fundamental rights to life, liberty, and security.”

Naging tampok sa desisyon ang pahayag: “Petitioner should not be expected to await his own abduction, or worse, death… before the courts can give due course to his petition.”

Kinilala ng Kataas-taasang Hukuman na ang red-tagging ay kadalasang nauuna sa mga pagdukot o extrajudicial killings (EJK), na naglalagay ng matinding banta sa mga indibidwal na binansagan bilang mga komunista o nakikisimpatya.

Ang desisyon, na isinulat ni Associate Justice Rodil Zalameda, ay nagbigay-diin sa transisyon ng red-tagging sa social media, kung saan pinalalakas nito ang online na panliligalig at pagbabanta, kabilang ang mga laban sa mga babaeng aktibista.

Nanawagan si Cullamat sa publiko at kapwa tagapagtaguyod na manatiling mapagbantay laban sa mga mapanganib na salaysay na nagbabanta sa kaligtasan at karapatan ng mga katutubo at aktibista. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *