UMARANGKADA na ngayon ang unang araw ng 3-day transport strike na inilunsad ng iba’t ibang transport group upang iprotesta ang paggigiit ng gobyerno sa Disyembre 31 na deadline para sa aplikasyon para sa franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Naniniwala ang transport group na PISTON na ang pagkokonsolida ng prangkisa na nakapaloob sa ipatutupad na PUVMP, ang unang hakbang para agawin ang kabuhayan ng tsuper at operator.
Taliwas aniya sa propaganda ng pamahalaan na pagsasaayos ng public transport ang layunin ng PUVM dahil sa katotohanan ay isa ito iskema para madaling maipasa sa malalaking negosyante ang mga ruta at kabuhayan ng maliliit na operator.
“Itong franchise consolidation ang unang hakbang sa pang-aagaw sa kabuhay ng mga tsuper at operator. Hindi talaga ito para ayusin ang public transport, kundi para madaling maipasa at maagaw ng mga malalaking negosyante ang mga ruta at kabuhayan ng maliliit na operator,” sabi ni PISTON national president Mody Floranda.
Hindi nasisiyahan ang mga grupo sa mga iminungkahing pag-amyenda kamakailan sa Omnibus Franchising Guidelines (OFG) at hindi pa natutugunan ang kanilang mga pangunahing alalahanin hinggil sa pagpapatupad ng PUVMP, partikular ang hinihiling nila na ipawalang-bisa ang bahagi ng franchise consolidation ng programa at suspendihin ang buong PUVMP.
Sinabi ng PISTON na ang franchise consolidation scheme ay maaaring magresulta sa monopolyo ng ilang malalaking fleet managers o mga korporasyon na may kinakailangang capitalization para makontrol ang mga ruta ng PUV, na epektibong mag-aalis sa mga small-time operator ng kanilang demokratikong kontrol sa kanilang mga sasakyan at kabuhayan bilang mga 80 % ng lahat ng jeepney operators sa bansa ay nagmamay-ari lamang ng isang jeepney at nanganganib na ma-displace. (NINO ACLAN)