HINDI pa tapos ang laban sa paglipat ng P89.9-B pondo ng PhilHealth sa national treasury, ayon sa Health Workers Partylist.
“Dapat tuluyang madeklarang iligal ang paglipat ng pondo at ipagbawal ang paggamit ng pondo-publiko para sa pork barrel ng pangulo,” ayon sa HWP sa isang kalatas.
Itinuturing ng HWP na isang paborableng development ang pag-isyu ng Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) o pagpapatigil sa paglipat ng pondo ng PhilHealth para sa mga gastusin o proyektong nasa ilalim ng Unprogrammed Allocations,
“Inisyal na tagumpay ito ng sama-samang pagkilos nating mga health workers, labor groups, legislators, health advocates, at mamamayan,” anang grupo.
“Mahalagang busisiin bakit may “sobrang pondo” ang PhilHealth samantalang mataas ang out of pocket health expenses, delayed at di nababayaran ang mga reimbursements ng mga duktor at ospital, at napakaliit ng nababawas sa hospitalization costs.,” dagdag nito.
Hindi papayag ang HWP na patuloy na gawing gatasan ang PhilHealth ng mga korap sa pamahalaan at dapat panagutin lahat ng sangkot sa mga iregularidad at anomalya sa ahensya.
“Patuloy na nanawagan at kumikilos ang Health Workers PartyList kasama ang mamamayan para sa libreng serbisyong pangkalusugan, tapat at makamamamayang pamamahala.” (ROSE NOVENARIO)