📷Police Colonel Hector Grijaldo
HINDI kailangan ng House quad committee ang affidavit ni dating Mandaluyong City Police chief Police Colonel Hector Grijaldo hinggil sa iniimbestigahang drug war.
Ayon sa overall chairperson ng komite na si Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, kaya pinadalo sa quad comm hearing si Grijaldo ay bunsod ng kaso ng pagpatay kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary at ret. Gen. Wesley Barayuga sa Mandaluyong City noong 20 Julyo 2020.
Si Grijaldo ang hepe ng Mandaluyong City Police nang mangyari ang pananambang kay Barayuga at ayon kay Barbers, nais malaman ng quad comm kung bakit hindi gumawa ng maayos na imbestigasyon ang pulisya sa krimen.
Ginawa ni Barbers ang pahayag kasunod ng rebelasyon ni Grijaldo sa Senado na hiningian siya ng affidavit nina Barbers at Cong. Benny Abante na magpapatotoo sa sinabi ni ret. Col. Royina Garma na may reward system sa ipinatupad na drug war ng rehimeng Duterte.
“Una, ‘di naman namin siya witness eh, bakit namin siya hihingian ng affidavit di ba? number 2, he’s not even investigated at the moment.Hindi namin siya kailangan, wala kaming hiningi sa kaniya,” sabi ni Barbers sa panayam sa programang Sa Totoo Lang sa One PH.
“Kaya lang siya nandyan because he was the chief of police ng Mandaluyong City when there was the assassination of General Barayuga. Yung lang kanyang role. Di namin sa kailangan. Di namin kailangan gumawa siyang affidavit kaya nagsisinungaling yan,” dagdag ng kongresista.
Maaaring sa mga susunod na araw aniya ay umamin din si Grijaldo na may nag-pressure sa kanya para paratangan ang mga kongresista sa Senado.
“Hindi nangyayari yan kasinungalingan yung sinasabi ng Colonel Grijaldo na yan and I’m sure one of these days aamin din yan na sa kanya maaaring may nag-pressure,” wika ni Barbers.
Si Grijaldo ay kaklase sa Philippine National Police Academy (PNPA) ni Garma, na siyang itinurong utak sa pagpaslang kay Barayuga , kasama si ret. Col. Edilberto Leonardo.
Nakatakda ang susunod na pagdinig ng quad comm sa Nobyembre 7. (ROSE NOVENARIO)