📷Former Bayan Muna Rep. Neri Colmenares
HINILING ni dating Bayan Muna Congressman Neri Colmenares ang agarang kompensasyon at suporta para sa mga nasalanta ng bagyo at tinawag ang pagtatangka ng administrasyong Marcos Jr. na gamitin ang climate change bilang isang palusot para sa kapabayaan nito at bigong pagtugon sa kalamidad.
Sinabi ni Colmenares, hindi basta-basta maitatago ng administrasyon ang retorika sa climate change habang ang mga mamamayan ay dumaranas ng mapangwasak na epekto ng mga bagyong ito.
Ang kailangan aniya ay kongkretong aksyon – agarang tulong, suporta sa rehabilitasyon, at higit sa lahat, pananagutan sa kriminal na kapabayaan na nagpalala sa epekto ng itong mga sakuna.
Kinuwestiyon ni Colmenares kung nasaan ang bilyon-bilyong inilaan para sa mga proyektong pangkontrol sa baha? Nasaan ang mga ipinangakong disaster-resilient infrastructure?
Dapat aniyang ipaliwanag ng administrasyong Marcos Jr. kung bakit, sa kabila ng napakalaking badyet para sa paghahanda at pagpapagaan sa sakuna, ang ating mga komunidad ay nananatiling bulnerable sa pagbaha at iba pang kalamidad.
Binigyang-diin ni Colmenares na bagama’t isang tunay na banta ang climate change, hindi ito dapat gamitin para ilihis ang responsibilidad mula sa mga pagkabigo ng pamahalaan sa paghahanda at pagtugon sa sakuna.
Giit niya, hindi ibinulsa ng climate change ang mga pondo para sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha.
Hindi rin aniya pinabayaan ng climate change ang mga komunidad sa mga kritikal na sandali.
Resulta aniya ito ng sistematikong kapabayaan at posibleng katiwalian na dapat imbestigahan at tugunan.
Ayon kay Colmenares, hindi lang paghingi ng tawad sa pinakamataas na opisyal ng lupain ang hinihingi ng Bayan Muna, kundi mga konkretong aksyon: agarang pagpapalabas ng calamity funds, mabilis na pagpapatupad ng mga proyektong rehabilitasyon, at higit sa lahat, masusing imbestigasyon kung saan napunta ang pondo para sa paghahanda sa kalamidad.
Nanawagan ang dating kongresista para sa isang kagyat na imbestigasyon ng kongreso sa usapin, ngunit binigyang-diin na hindi dapat dapat lumihis sa transparency at pananagutan ng gobyerno sa paghahanda sa sakuna, simula sa pinakamataas na opisyal ng lupain. (ROSE NOVENARIO)