HINDI mangyayari ang pinakaabangang paghaharap muli ng “magkaibigan” na sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at ret. police Col. Royina Garma sa House Quad Committee hearing bukas.
Sa mga naunang pagdinig ng quad comm ay ikinanta ni Garma ang ipinatupad na reward system sa drug war ng administrasyong Duterte na halaw sa Davao template.
Sa ipinadalang liham ni Atty, Martin Delgra, abogado ni Duterte, sa House quadcomm, sinabi niyang hindi dadalo ang kanyang kliyente sa pagdinig ng komite bunsod ng pagdududa sa integridad at motibong political ng imbestigasyons.
“Regrettably, upon consultation with him, my client respectfully manifests that while he respects and recognizes the authority of the Honorable Committees to conduct inquiries, in aid of legislation, he cannot attend the public hearing,” ani Delgra sa sulat na may petsang Nobyembre 5.
“My client is already doubtful as to the Honorable House Quad Committee’s integrity, independence, and probity to conduct the legislative inquiry in aid of legislation. It is apparent that the inquiry is a mere political ploy aimed to indict him for crimes he did not commit,”dagdag niya.
Iginiit ni Delgra na ilan sa mga mambabatas na kasapi ng komite ay idineklara na sa publiko na dapat managot si Duterte sa “willful killing” alinsunod sa Republic Act No. 9851.
“My client is gravely concerned on how the Honorable House Quad Committee tried to persuade, if not unduly pressure, resource persons to admit matters under oath they lack knowledge of or worse, unduly induce them to say something not true before the joint committee inquiry,” ani Delgra.
Giit niya, naibahagi na ni Duterte ang kanyang pananaw sa extrajudicial killings sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong 28 Oktubre 2024.
Iminungkahi niya na ang transcript ng Senate inquiry ay ibahagi sa House quad comm, bilang isang mas epeisyenteng alternatibo sa kanyang partiisipasyon.
“To save the government time and taxpayer’s money, we propose that the Transcript of Stenographic Notes of the Senate Inquiry conducted on October 28, 2024, be made available for their appreciation and consideration,”wika ni Delgra.
Sa naturang Senate hearing ay inamin ni Duterte na mayroong death squad at ibinunyag na inutusan niya ang mga opisyal ng pulisya na udyukan ang mga suspect na manlaban para mabigyan katuwiran ang pagpatay sa kanila.
Ipinagmalaki pa niya na maraming beses na siyang nasangkot sa patayan ngunit nagtaka siya at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya sinasampahan ng kaso ng Department of Justice (DOJ).
Iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) si Duterte at ilang naging opisyal ng kanyang administrasyon sa crimes against humanity kaugnay sa sistematikong pagpatay sa mga indibidwal sa ipinatupad nilang drug war.
Batay sa police records ay may 6,000 ang napatay ngunit ayon sa human rights organization ay umabot ang mga pinaslang sa 30,000 tao. (ROSE NOVENARIO)