MARIING kinondena ng mga progresibong mambabatas mula sa Makabayan bloc ang garapal na pakikialam ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso kaugnay sa napipintong paglarga ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Binubuo ang Makabayan bloc nina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas at Kabataan Rep. Raoul Manuel.
Ang panghihimasok anila ni Marcos Jr. sa Kongreso ay malinaw na paglabag sa “separation of powers between co-equal branches of government.”
Ipinakikita lamang ng diskarte ni Marcos Jr. ang kahinaan ng kanyang liderato, ayon sa mga mambabatas.
Sa harap anila ng korapsyon, pagbabanta sa kanyang buhay at lantarang pambabastos sa Mababang Kapulungan ay hindi dapat ganito ang asal at paninindigan ni Marcos Jr.
Giit ng Makabayan bloc, ang pahayag ni Marcos Jr. laban sa impeachment proceedings ay walang pakundangang pakikialan sa mga gawain ng lehislatura.
Ang Kongreso, bilang kapantay na sangay ng pamahalaan, ay dapat mapanatili anila ang kalayaan at magampanan nito ang mandato alinsunod sa Konstitusyon ng walang pamumuwersa ng Malacañang.
“Nakakabahala ang lantarang pakikialam ng Pangulo sa mga proseso ng Kongreso. Hindi dapat idikta ng Malacañang kung paano gagawin ng Kongreso ang mandato nito para managot ang mga opisyal na may katiwalian,” we assert,” wika ng Makabayan bloc.
Nangangailangan anila ng seryosong imbestigasyon at kaukulang aksyon ng Kongreso ang natuklasang mga alingasngas sa paggamit ng confidential funds sa Office of the Vice President at Department of Education bunga ng pagsisiyasat ng Mababang Kapulungan.
Hinamon ng mga progresibong kongresista ang liderato ng Kongreso na magpakita ng kalayaan at manindigan batay sa ebidensya at interes ng publiko, at hindi ayon sa kagustuhan ng Pangulo.
Hindi anila dapat pahintulutan ng Kongreso na maging isang rubber stamp ng sangay ng ehekutibo.
“The House leadership must demonstrate its independence and take a firm stand based on evidence and public interest, not on the President’s preferences. Congress should not allow itself to become a rubber stamp of the executive branch,”
“Sa parte naman ng mga progresibong organisasyon at Makabayan bloc, kami ay nakahanda at naghahanda para sa impeachment dahil iyon ang tinatawag ng sitwasyon at mamamayan. Kailangan managot si VP Duterte sa usapin ng confidential funds at iba pang anomalya sa OVP at DepEd. Usapin ito ng transparency and accountability, hindi ito ipinapakiusap o dinidikta,” anila.
Hinimok ng Makabayan bloc ang mga kapwa mambabatas na manindigan sa tungkulin ng Kongreso alinsunod sa Konstitusyon, ang magsilbing check and balance laban sa mga potensyal na pag-aabuso at korapsyon sa gobyerno.
“Tungkulin nating siguruhin na walang opisyal ang nasa itaas ng batas. Kung may sapat na batayan para sa impeachment, dapat itong ipagpatuloy alinsunod sa ating Konstitusyon.”
“The Filipino people deserve accountability and transparency from all public officials, regardless of their position or political connections. No one should be above the law,” pagtatapos ng Makabayan bloc. (ROSE NOVENARIO)