INIIMBESTIGAHAN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dalawa nilang opisyal sa posibleng paghahain ng kasong administratibo bunsod ng umano’y pagtanggap nila ng milyun-milyong pisong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education habang kalihim ng kagawaran si Vice President Sara Duterte.
Kinilala ni AFP spokesperson Colonel Francel Padilla ang mga sisiyasatin na sina Colonels Dennis Nolasco at Raymund Dante Lachica, nakatalaga Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
“This is an ongoing investigation. In our part for the Armed Forces of the Philippines, we’re looking at the merits of the case on kung ano po ang pwede naming makita do’n in terms of administrative issues that we have to address,” ani Padilla sa isang press conference.
“And kung meron man, that’s when we will be acting accordingly,” dagdag niya.
Matatandaan sa huling pagdinig ng House Blue Ribbon Committee ay tinukoy ng disbursement officers ng OVP at DepEd na ibinigay nila sa dalawang opisyal ng military ang milyun-milyong pisong confidential funds matapos nila i-withdraw mula sa Landbank.
Naging kontrobersyal ang pangalang “Mary Grace Piattos” bilang isa sa mga tumanggap ng confi funds ngunit ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), walang ganung pangalan sa kanilang record. (ROSE NOVENARIO)