NANAWAGAN ang mga naghain ng makasaysayang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Kongreso na kumilos para managutin ang panagutin ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng Pilipinas sa umano’y paglulsutay ng pera ng taumbayan.
“Kami ay nananawagan sa Kongreso na kumilos nang mabilis sa impeachment complaint na ito. Ang mamamayang Pilipino, lalo na ang ating mga nagbabayad ng buwis na nagdadala ng pasanin sa pagpopondo sa mga operasyon ng gobyerno, ay nararapat na pananagutan mula sa kanilang pangalawang pinakamataas na opisyal,” ayon kay dating Bayan Muna congressman at ngayon ay tagapangulo ng BAYAN Teddy Casiño.
May 75 ang nagsampa ng impeachment complaint mula sa iba’t ibang sektor, higit sa 1/3 nito ay mula sa kabataan, ilan ay mga guro sa pampublikong paaralan, empleyado ng gobyerno, lider ng relihiyon, manggagawa at magsasaka, biktima ng karapatang pantao kasama ang mga dating miyembro ng kongreso dahil sa betrayal of public trust sa iligal na paggamit at mishandling ng P612.5 milyon na confidential funds.
Ang walang pakundangan anilang paggamit ng Bise Presidente sa mahigit kalahating bilyong piso sa mga kumpidensyal na pondo, partikular na ang kahina-hinalang pagpuksa ng P125 milyon sa loob lamang ng 11 araw sa pagtatapos ng 2022, ay kumakatawan sa isang matinding pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Ang Commission on Audit mismo ang nagmarka ng mga ito Ang mga paggasta ay napakaduda at hindi naaayon sa batas at mga alituntunin sa paggamit ng mga kumpidensyal na pondo, sabi ni Casiño
Para kay Makabayan President Liza Maza ,ang paglustay ng confidential funds ay isang malaking pagtataksil sa taumbayan at hindi lang ito simpleng technical violation kundi sistematikong paglulustay at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Ang batayan para sa impeachment complaint ay pagtataksil sa tiwala ng publiko o betrayal of public trust bunsod ng tatlong isyu:
- Pang-aabuso, maling paggamit at pag-aaksaya ng P612.5 milyon sa confidential funds.
- Ang sistematikong pagtatakip sa pamamagitan ng mga gawa-gawang ulat ng accomplishment, mga resibo, at mga dokumentong isinumite sa COA
- Sinasadyang hadlangan ang pagsisiyasat at pangangasiwa ng Kongreso
Sinabi ni dating Bayan Muna congressman at impeachment counsel Neri Colmenares, nang mahuli ng Kamara ang anomalya, ginawa ni VP Duterte ang lahat para pagtakpan ang kanyang kasalanan at pigilan ang paghahanap ng katotohanan.
Tumanggi aniyang humarap sa budget hearings at imbestigasyon ng Kongreso si VP Sara na taliwas sa sinumpaang tungkulin ng Vice-President na maging ísang accountable public official.
Hinikayat ng mga nagrereklamo ang publiko na maingat na subaybayan ang mga paglilitis na ito at makiisa sa lumalagong sigaw para sa transparency, pananagutan, at ang kumpletong pag-aalis ng lahat ng confidential funds na pinagmumulan ng katiwalian sa gobyerno.
“We call on the House of Representatives to act on our complaint and transmit the same to the Senate as article of impeachment. We urge the Senate to conduct a fair and speedy trial and render justice to the Filipino people,” pagtatapos ni Colmenares. (ROSE NOVENARIO)