HINIHINTAY ng Philippine National Police (PNP) na matapos ang imbestigasyon bago magpasya kung babawiin ang gun permits na inisyu kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, inaalam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kung may mga batayan para kanselahin ang mga lisenya ng mga armas ni Duterte.
“Let us wait for the completion po ng investigation na sinasagawa po ng CIDG to determine whether or not these cases filed against her can be used as a ground for possible revocation or cancellation of her [License to Own and Possess Firearms] and firearm registration,” sabi ni Fajardo sa press briefing.
Hindi niya tinukoy kung anong uri ng mga lisensya ang naisyu kay Duterte at anong klaseng mga armas ito.
Nauna rito’y sinabi ng PNP na maaaring may mga reklamong maisampa kaugnay sa pagbabanta ni Duterte na ipapatumba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kapag may nangyaring masama sa kanya. (ZIA LUNA)