ANG mga pahayag ni National Security Council (NSC) Assistant Director Genral Jonathan Malaya na umaatake sa Makabayan bloc para sa pagsuporta sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte ay naglalantad lamang sa kanyang kamangmangan sa Konstitusyon at mga demokratikong proseso, ayon sa mga kongresista mula sa Makabayan bloc sa isang kalatas.
Ang Makabayan bloc ay binubuo nina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel.
Mariing kinondena ng mga progresibong mambabatas ang pinakabagong red-tagging na pahayag ni Malaya at ang kanyang walang pakundangan na pakikialam sa mga proseso at kapangyarihan ng Kongreso.
“So, ang kinababahala lang namin, iyong naging pag-insist ‘no, ng Makabayan bloc na kailangan daw ituloy itong impeachment complaint, despite iyong pakiusap ng ating Pangulo. And nakikita natin dito partner, iyong very firm na Maoist Joma Sison ideology, na ang gusto ng Makabayan bloc ay pag-awayin iyong mga naghaharing-uri iyong tawag nila ‘no, the political class, kasi class warfare nga,” sabi ni Malaya sa programang Bagong Pilipinas Ngayon sa state-run People’s Television Network Inc. kaninang umaga.
“And then, magsasagawa sila ng mga rally at demonstrasyon na bayolente gaya noong nangyari noong Bonifacio day na may mga pulis na nasaktan ‘no, and ‘pag na-create nila itong impression of instability, doon sila papasok para mawala ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan. Kaya concerned ang National Security Council we condemn this kind of statement coming from Makabayan dahil this goes against the spirit of what the President said,” dagdag ni Malaya.
Giit ng Makabayan bloc, malinaw na nilalampasan ni Malaya ang kanyang mga hangganan sa pamamagitan ng pakikialam sa mga prosesong pambatasan na ipinag-uutos ng Konstitusyon.
“Sino ba si Dir. Malaya para pakialaman ang mga proseso ng Kongreso? His red-tagging statements are not only baseless and dangerous but also show his complete disregard for the separation of powers,” we assert,” wika ng mga mambabatas.
Luma at gasgas na anila ang recycled red-tagging na retorika ng NSC official na nag-uugnay sa lehitimong gawaing parliyamentaryo at mapayapang protesta sa mga destabilization plot.
Binigyan diin nila na ang tunay na nakakapagpapahina ay ang maling paggamit ng daan-daang milyong pisong confidential funds at ang desperadong pagtatangka na pagtakpan ito.
“Is Dir. Malaya now acting as VP Sara Duterte’s attack dog to prevent legitimate investigation into serious allegations of fund misuse? Instead of manufacturing fake destabilization plots, he should explain why he’s helping cover up potential corruption,” anang Makabayan bloc.
Nilinaw nila na ang proseso ng impeachment ay isang mekanismo ng Konstitusyon para sa pananagutan.
Ang mga protesta ng mga tao anila ay garantisadong karapatan sa ilalim ng ating demokrasya. Ang mga ito ay hindi mga pagkilos ng destabilisasyon – ang mga ito ay mga pangunahing tampok ng ating sistemang republika.
“Ang tunay na destabilisasyon ay ang pagtatago ng katotohanan at pagpapalaganap ng korapsyon. Hindi destabilisasyon ang paghahanap ng transparency at accountability,”anang mga kongresista.
Nananawagan ang Makabayan bloc kay Malaya na itigil ang kanyang malisyosong red-tagging at igalang ang kalayaan ng Kongreso.
Nararapat anila sa mamamayang Pilipino ang katotohanan at pananagutan, hindi ang mga recycled na propaganda mula sa mga nakompromisong opisyal ng seguridad.
Matatandaan matapos pagbantaan ni VP Duterte na ipapapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez kapag may nangyaring masama sa kanya ay naglabas ng pahayag ang NSC na anomang pagbabanta sa buhay ng Pangulo ay itinuturing na isyu ng national security at dapat imbestigahan.
Pumalag si VP Duterte sa sinabi ng NSC at kinuwestiyon kung bakit etsapuwersa siya rito samantalang bahagi siya ng konseho bilang bise-presidente.
Hindi na sumagot ang NSC sa pag-usisa ni VP Duterte.
Kaugnay nito, naghain ng impeachment complaint ang multi-sectoral groups sa pangunguna ng Akbayan, Mamamayang Liberal at Magdalo laban kay Duterte ngayong hapon sa Mababang Kapulungan.
Hiningi ng mga mamamahayag ang reaksyon ni Malaya ukol rito ngunit hindi pa siya sumasagot. (ROSE NOVENARIO)