TINABLA ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hirit ni Vice President Sara Duterte na bigyan siya ng advance questions kaugnay sa isasagawang imbestigasyon ng kawanihan sa kanyang pagbabantang ipapapatay sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
“Hindi po kami nagbibigay talaga ng mga questions,” sabi ni NBI Director Jaime Santiago sa panayam sa DZBB.
Aniya, plano ng NBI na usisain si Duterte hinggil sa taong kanyang inupahan para paslangin si Marcos Jr. kapag napatay siya , pati ang mga detalye sa umano’y mga banta sa kanyang buhay.
“Kaya ‘yun, ‘yung few questions na ‘yun, alam naman niya na ‘yun ang itatanong—bakit nasabi na nakapagbanta siya nang ganun, bakit may kinausap siyang tao, ‘yun ‘yung usual. Pero ‘yung other questions pa ay hindi na namin maibibigay,” ani Santiago.
Noong Biyernes, Nobyembre 29, ay hiniling ni Duterte na bigyan siya ng listahan ng mga tanong ng NBI bago pa man siya humarap sa kawanihan para maimbestigahan.
Hindi sumipot si Duterte sa unang araw sana ng imbestigasyon sa NBI noong Biyernes kaya’t muli itong itinakda sa Disyembre 11 para magkaroon siya ng sapat na panahon para makapaghanda.
“‘Yun namang threat niya kay Presidente BBM…considered namin nag-waive siya sa right niya na ma-express ang kanyang reason, justification, whatever, bakit siya nag threat kay Presidente, First Lady, at Speaker of the House,” sabi ni Santiago. (ZIA LUNA)