Wed. Dec 4th, 2024

📷Mayday Multimedia | Facebook

 

HINDI magpapaawat ang Makabayan bloc kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isyu ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

“Sa parte naman ng mga progresibong organisasyon at Makabayan bloc, kami ay nakahanda at naghahanda para sa impeachment dahil iyon ang tinatawag ng sitwasyon at mamamayan. Kailangan managot si VP Duterte sa usapin ng confidential funds at iba pang anomalya sa OVP at DepEd. Usapin ito ng transparency and accountability, hindi ito ipinapakiusap o dinidikta,” ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

Mariing pinuna ni Castro ang pagtatangka ni Marcos Jr. na impluwensyahan ang mga mambabatas laban sa pagsasampa ng mga impeachment complaints laban kay VP Duterte, na tinawag itong malinaw na paglabag sa paghihiwalay ng mga kapangyarihan sa pagitan ng magkapantay na sangay ng pamahalaan.

“Whatever happened to the separation of powers? Why is Malacañang interfering with legislative affairs? The House of Representatives is supposed to be a co-equal branch of government. President Marcos should not dictate to it,” giit Castro.

Binigyang-diin ng progresibong mambabatas na ang anumang paglilitis sa impeachment ay nagmumula sa mga lehitimong batayan at panawagan ng publiko para sa pananagutan, partikular na tungkol sa kontrobersyal na confidential funds at iba pang iregularidad sa ilalim ng pamumuno ni VP Duterte sa Office of the Vice President at ng Department of Education.

Nanindigan ang House Deputy Minority Leader na dapat ipatupad ng Kongreso ang kanyang mandato sa Konstitusyon nang nakapag-iisa, walang panghihimasok sa ehekutibo.

Nauna rito’y kinompirma ni Castro na binabalangkas na ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang isasampang impeachment complaint laban kay VP Duterte sa Mababang Kapulungan. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *